INANG BAYAN KO, MALAYA KA
Inang Bayan Ko, Malaya Ka
By Don M. Luman-ag,
June 12, 2021
Perlas ng Silangan,
kung ika'y tagurian
Ganda mo'y natatangi
at nakabibighani
Mahigit pitong libong isla
tigib ng sagana
Bundok, parang, ilog, dagat --
tunay kang pinagpala
Anak mo'y magigiting,
matatalino't matatapang
Mayroong malasakit
sa kapwa't kababayan
Saan man sa mundo
tiyak na hahangaan
Ang galing at talento,
kinikilala't pinararangalan
Likas na yaman mong angkin,
nais na agawin
Ng mga manlulupig,
mga banyagang sakim
Sila'y nagpapakasasa,
mga anak mo kinawawa
Naging dayuhan,
sa sariling bansa
Subalit Ina,
kami ay di papayag
Na makita't hayaan
na sila'y mamayagpag
Kaming mga anak mo
ang tanging nararapat
Magtamasa at magmana
Bigay sa'yo ni Bathala
Buhay naming taglay,
sa'yo lang iaalay
Alab sa aming puso,
dugong nananalaytay
Lahing Maharlika
sa'yo ay nagpupugay
Ipanatag ang dibdib
Inang Bayan ko, malaya ka Inay!