KAPITA-PITAGAN
Saludo ang lahat sa iyong kagalingan Ikaw ang bayani ng ating sawing bayan Ang tugatog mo’y abot langit Sa iyo’y wala nang makahihigit Para kang isang kapuri-puring watawat Sa itaas ay malayang pumapayagpag Ang aming kamay ay nasa aming dibdib Para sa iyo iaalay ang wagas na panalangin Ikaw ang sikat ng kataas-taasang araw Sa aming aninong walang dangal Ikaw. Ikaw. Ikaw. Ikaw. Ikaw. Ikaw. Oo, walang kamatayang ikaw Sa iyo na ang korona at lahat ng parangal Sino ba kami kundi isang hangal? Pagpugay sa iyong walang katulad na karangalan Mabuhay ang iyong natatanging pangalan! Kagalang-galang na kamahalan Wagas ang iyong kadakilaan Ikaw ang apoy na nagbibigay-alab Kami’y abong walang ganda’t saysay At sa darating na bukang-liwayway Ang abang lupa ang sa iyo’y sabik na naghihintay (Sa panulat ni Rado Gatchalian)