ISANG PAGLALAKBAY NG ISANG MAKATA
Paunang Salita:
Ang mga talinhagang nakabalot sa bawat tula ay hindi kayang arukin ng lahat ng mambabasa. Ito ay may mga katangian na may dulot aral at aliw. May pumapasailalim ding mga kahulugan na nakatago sa puso ng mga katagang gamit ng manunulat siya man ay makata o hindi. Karamihan sa mga tula na aking nabasa ay bunga ng isang panimdim ng may akda. (Blog Administrator)
➖💠➖💠➖
Alay po para sa lahat nang naghahanap ng kasagutan sa pamamagitan ng tula. Samahan niyo po ako sa paglalakbay patungo sa kakaibang mundo ng mga nagsusumigaw na taludtod at kataga.
(Isang Pagninilay sa Mundo at Alamat ng Tula)
Ni Rado Gatchalian
1.
Ang bawat isa ay makata. May nakatagong agimat gamit ang salita. Maging sa ating paggalaw ng katawan: may sukat ito. Sa ating pag-iisip at pananalita: mayroon itong taglay na tugma. Hindi man natin nakikita o naririnig, kusang lumalabas ang pagkamakata sa ating isip, galaw, at salita.
2.
Ang ating pagkatao ay ang ating tula. Kung sino ka at ano ka: ang iyong mga salita at tula ay umiinog sa kung ano ang iyong pinagkakaabalahan sa buhay, pinaglalaban, at paniniwala. Ang iyong salita ay ang nakatagong damdamin ng iyong puso. Ang iyong tula ay ang iyong kaluluwa.
3.
Sa ating pagninilay sa kung sino tayo at kung saan tayo nagmula: kadalasa’y hindi natin nahahanap ang kasagutan sa mga bagay na nasa paligid natin. Kadalasa’y nanggagaling ito sa mga salitang ginagamit natin at sa mga salitang lumulutang sa ating utak. Habang binubuo natin ang salita, bumubuo rin tayo ng isang kataga (hindi man natin nakikita) na kumakatawan sa kung ano ang ating pinaniniwalaan.
4.
Ang mundo ay parang isang tula. Malalim. Makabuluhan. May nakatagong sagot. Gaya ng isang mundo ang tula ay umiinog sa sikat at init ng damdamin. Ang puso ang nagbibigay buhay sa bawat tula. Kung kaya’t kung ang isang tula ay puno ng damdamin – kusa itong nararamdaman ng mambabasa. Gaya ng init ng araw, ramdam ito ng bawat isa. At gaya rin ng tula ang mundo ay puno ng kataga na mahahanap sa kalikasan at mga bagay sa ating paligid. Maging ang ulap, bituin, dagat, bundok, bulaklak, lupa, at mariposa ay may taglay na kapangyarihan upang makagawa ng isang tula. Ang kagandahan na ating nakikita ay nagiging isang tula sa ating isipan. At maging ang pait at hinagpis (hindi man ito maganda) ay may kapangyarihan pa rin taglay. Totoong ang mundo at buhay ay tula at ang tula ay ang ating buhay at mundo.
5.
Marami tayong tanong. Maraming sagot na di maintindihan. May mga bagay na hindi kayang mabanggit ng salita. At dahil hindi kaya ng salita --- gumagamit tayo ng palamuti upang maiparating kung ano ang sagot. Sa paggamit ng mga matulaing salita naipaparating natin ang mga damdamin at kaisipang hindi kayang yakapin ng payak na salita. Sa pamamagitan ng tula ang langit ay nagmimistulang isang kataga. Ang buwan at bituin ay kumikinang sa isang pirasong papel. Maging ang dagat ay may halimuyak sa bawat linya ng isang tula. Ito ang mahika ng tula. May himala. May taglay na kapangyarihang ang salita at tao lang ang nakakaalam.
6.
Ang tula ay isang tulay. Isang pagtawid sa mundo ng isang makabuluhang pagtatanong at pagsasaliksik. Ito ay paglalakbay sa ating pinaglalaban at sa mga bagay na ating ikinatutuwa. Ang pagtawid dito ay pagsulong sa isang bagay na nagpapasaya sa atin o kaya ay nagbibigay ng kapayapaan sa ating isip. Sa pamamagitan ng tula at salita naitatawid natin ang gutom ng ating kaluluwa. Kung tayo ay umiibig, dinadaan natin sa tula. Kung tayo ay naghihinagpis, kasangga natin ang panulat. Itinatawid tayo sa isang mundong hindi nakikita. Tatawid tayo sa isang Uniberso na hindi kayang pasukin ng pisikal na bagay. Ito ay nananahan sa isip, puso, at salita. Sa pagtawid sa tulay na ito: hinihintay ng papel at pluma kung handa ba tayong sumulong o kaya lumukso man lang sa mundong puno ng galak, karunungan, at kapayapaan.
7.
Sabi nila ang isang makata ay makatas manalita. Kung ito man ay may pagkatotoo siguro dahil na rin sa malikhaing paggamit nila ng salita. Ang isang napakasimpleng salita tulad ng bote, sigarilyo, at mesa ay nagiging makabuluhan. Ang mesa ay nagiging silid kung saan nakatago ang ating mga sekreto sa buhay. Ang sigarilyo ay nagiging alapaap kung saan natin binubuo ang ating mga pangarap. At ang mesa ay nagiging paraiso para sa isang bata. Dito nagtatago upang makalimutan ang napakalungkot na mundo. Tunay ngang ang tula ay isang mahika.
8.
Ang tula ay nakakalula. Para sa mambabasa ang tula ay sakit sa ulo. Maaring sabihin na ang tula ay pagpasok sa mundo ng abstract. Bakit kailangan maging malalim sa sasabihin kung maaari namang sabihin nang simple at deretsahan? Ito ay isang tanong na hindi puedeng balewalain. Kapag nahanap ang sagot dito nahanap na rin natin ang kahulugan ng buhay.
Ref: FB/ #Filosopher