TIRIRIT NA IMPIT

Paunang bungad ng makatang KU RIS
Tapos na Ang Araw ng Kalayaan ngunit hayaan niyo akong ibahagi ang piyesa kong Ito.

Panlulupig nga’y lumipas



Panlulupig nga’y lumipas
Sa hawla’y nakaalpas
Malaya nang maipagaspas
Pakpak ma’y punit at gasgas

Ilang táong nakipagduwelo
Sa mga dayuha’y nakipagpatintero
Hanggang tuluyang tumalilis 
Sa paniniil at hinagpis

Anong galak sa puso’y namugad
Mga sisiw hinanap, kaparanga’y ginalugad
Ngunit bakit, pagtangis ang siyang bumungad?
Inakay’ nakapiit, sa kasamaang palad.

Inahing lanta, sa hilahil ‘di pa nakahinga Dalit ng kahapon pilit pang iniinda
Umaaligid, lakas inihahanda
Upang inakay, masagip— makawala.

Ngunit sa paglibot kaniyang napaghulo
Mangangaso’y kayumanggi, kakulay pa‘t kadugo 
Waring isang balaraw, gumuhit sa yaring puso
Bakit sa pag-uwi, sugat ang natamo?

Sa dayuhan ma‘y nakaalpas, natuwa‘t nagwagi
Ngunit sa sariling parang mga inakay’ nasawiKalayaan! 
Kalayaan! hiyaw nitong labi
Umaasang may makarinig— nagbabakasakali.

Ngunit nabigo, pita nitong puso
Hiling ma’y umulyaw kahit saan mang dako
Sinuyod; nakarating sa mga nakaupo
At sila’y bumitaw, salimpapaw na pangako.

Kaawa-awang munting ibon Minalupitan ng kahapon dinakma pa ng Leon 
Sa sariling pugad, inaka’y ikinulong
Sigaw na paglaya, nanatiling bulong

Anong sinapit nitong panaghoy?
Pakpak lumagutok, nabali’t lumoyloy
Karapata‘y inapakan, inabuso’t binaboy Sa rurok ng pang-aabuso, lumuha’t humaloyhoy.

Saan pa ba kakatok at lalapit?
Dahil pag-asa’y ‘kay dilim, waring nakapikit 
Saan mahagilap, sagot sa lahat ng bakit?Sa sariling kagubatan, binubusala’t iniipit.

Hanggang kailan ikukubli, balisbis ng luhang pumapatak? 
Hanggang kailan iindahin yaring siphayong umaantak?
Sinong magsisiwalat sa kuwentong sinapit? 
Na waring naging ritmo, ng tiririt na impit.

Arts and Words by K U R I S

Source: FB/Filipino Poets in Blossoms 🌼

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH