KAPOS PALAD

Tula ni Dimple Lobo Corsino Opina

Buto at balat ka na pagala gala,
Bawat masalubong samo mo ay awa,
Maanong tumanggap ng kukunting barya,
Ngiti ang sisilay sa hapis mong mukha.

Do'n sa bangketa kung makitang madalas,
Hikahos kang tingna't damit mo ay butas,
Habang nakaupo'y palad nakalahad,
Sa mga nadaan, ay limos ang hangad.

Katulad mo'y ibong walang madapuan,
Mga puno't sanga'y ikaw ay nilisan,
Iyong nilalakbay ang bawat lansangan,
Inari mong yaman, ginawang tahanan.

Kung saan abutin ng dilim sa gabi,
Panlatag na banig pagal na sarili
Ang hirap at sakit iyong tinitimpi,
Pait ng paglunok ay mayro'n'g paghikbi.

Sa gabing malamig kinukumot'y braso,
Pilit niyayakap katawan mong hapo,
Lubhang alumpihit pag-ihit ng ubo,
Hirap mong paghinga ay halos mapugto..

Araw na dumaan laging binibilang,
Malamlam mong mata may luhang nabalam,
Sa buhay mong kapos piniling lumisan,
Wala pa ring dangal hanggang kamatayan.

©DimpsKzie🌹
#Filipino Poets in Blossoms 🌸 
July 21, 2021

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH