PAANO MAG-ISIP ANG ISANG MAKATA?

PAANO MAG-ISIP ANG ISANG MAKATA?
ni Rado Gatchalian
(FREE TO SHARE)

Kung sa Butil ng Buhangin ang Mundo ay masilayan
At ng Paraiso sa Ligaw na Bulaklak,
Hawakan mo ang Kawalang-hanggan sa iyong palad 
At sa isang hudyat ng oras ang Walang-katapusan.
~ Sipi mula sa Auguries of Innocence (Mga Hula ng Kawalang-malay), ni William Blake, salin ni Rado Gatchalian

1.
Ang bawat makata ay gaya rin ng bawat nilalang: nag-iisip, nagkukuro-kuro, namimilosopo, nakikipagtalo, bumibida, umeepal, nagmamagaling, humahalakhak, nang-aasar, umiiyak, at higit sa lahat, umiibig. Wala namang pinagkaiba ang makata sa ibang nilalang. Katulad ng iba, may baho at kahihiyan din. Subalit may natatangi sa isang makata: nakikita niya ang hindi nakikita ng karaniwang mata.

2.
Katulad ng ibang alagad ng sining — iskultor at pintor: ang makata ay lumililok at gumuguhit, kung hindi man sa kahoy o bato at lona o canvas, ay sa papel at tinta ng bolpen o lapis. “Malawak” ang pag-iisip ng isang makata sa dahilang sakop niya ang buong Uniberso: ang nakikita at hindi nakikita, ang literal at metaporikal o simbolikal. “Malalim” ang pag-iisip ng makata dahil hinuhukay nito ang kahulugan ng mundo at buhay nang napakalalim. Malawak at malalim dahil tulad ng ibang alagad ng sining — humuhugot ang makata sa kakaibang imahinasyon at damdamin niya. Nakikita niya ang hindi nakikita ng iba.

3.
Ang pag-iisip ay isang malalim na proseso. Subalit maaaring pangkaraniwan din. At maaaring komplikado. Oo, komplikadong mag-isip ang isang makata. Dahil sa isang makata maging ang kinang ng bituin nagmimistulang mga halik ng diwata. Maging ang mga ulap ay kawangis ng mukha ng diyos. At ang bulaklak naman ay parang isang hulma ng buong Uniberso. Ganito mag-isip ang isang makata. Nabibigyan ng buhay ang isang bagay: mapa-ordinaryo man o naglalakihan. Ang isang bagay na walang kamuwang-muwang tulad ng tansan, tsinelas, bato, tuyong dahon, o maging ng patay na daga: walang ligtas sa paningin ng isang makata. 

Totoong puno ng imahinasyon subalit totoong mapanuri rin gaya ng tunay na pilosopo: nagtatanong at nagtataka.

4.
Subalit humuhugot hindi lang sa pag-iisip ang isang manunulat. Higit lalo sa damdamin. Kaya nga sabi nila: sa kasaysayan, ang mga makata ang tunay na mangingibig. Maging si Pablo Neruda: ilang mambabasa at kababaihan ang nahumaling sa kanya. Siguro: dahil na rin sa napaka-sensitibo ng “pandinig” ng makata. Naririnig niya ang hikbi ng batis. Naririnig niya ang halakhak ng alon sa dalampasigan. At higit lalong naririnig niya ang tibok ng puso ng isang babae. 

Hindi lang sa literal na halik dinadaan ng makata ang kanyang pagnanasa o libog. Higit lalo: sa salita at panulat. Sa bawat taludtod: ginagalaw ng isang makata ang kanyang dila at alindog sa halimuyak ng pananalita at tula. Sa kanyang pagsulat — binibigay niya ang kanyang kaluluwa. Kung kaya’t sa isang mambabasa, nahuhulog ang kanyang loob (at maging kaluluwa) sa ganda (at alindog) ng isang tula o obra.

5.
Sabi ng karamihan: parang baliw ang makata. Nagiging komplikado ang simpleng bagay sa paningin ng makata. Totoo. TOTOONG BALIW ANG ISANG MAKATA. Biro mo naman: pati ang walang kamuwang-muwang na mga puno at bituin ay kinakausap ng isang makata. Subalit totoo man ito ay totoo ring dito nanggagaling ang kapangyarihan at agimat ng isang makata. Hindi lahat ay may kakayahan o kaligayahan na kausapin ang Kalikasan. Tanging baliw lang. Tanging ang isang makata lang. Pero sa kabaliwang ito: napagkalooban ang mundo ng Iliad at Odyssey ni Homer. Hanggang ngayon sinasambit pa rin ang “To be or not to be; that is the question” ni Shakespeare. Sa kabaliwan ng makata — nagkaroon ng kakaibang Ganda ang mundong ating kinagagalawan ngayon.

6.
Subalit ang makata rin ay may awa at galit. Kung kaya’t sa kanyang panulat binibigay niya ang kaya niyang ipagkaloob sa lipunan. Sinusulat niya ang pighati ng mga inaapi. Sa kanyang tula, ipinapaalala niya ang kawalang-katarungan sa lipunan. Ang makata ay MAKATAO rin. At MAKATARUNGAN. Totoong ang panulat ang libangan ng isang makata. Pero totoo ring sa kanyang panulat nais niyang MAMULAT ang tao at ang lipunan. Ito ang dahilan kung bakit kailangang ingatan natin ang damdamin ng isang makata — sa dahilang sensitibo sila sa nangyayari sa lipunan. Mahabagin. Maawain. Sapagkat sa bawat inaapi — nakikita nila ang mas malalim na krisis sa lipunan. Sa bawat bata na namamalimos sa lansangan — naririnig ng makata ang iyak ng buong bayan. Sa bawat taong namamatay dahil sa lubhang kalungkutan — naririnig ng makata ang matinding lungkot ng mundo. Ang makata ay hindi lang nag-iisip. Ang makata rin ay may malasakit.

7.
Ginagamit ng makata ang pagsulat upang buuin ang kanyang pag-iisip. Sa panulat nabuhay ang isang paniniwala at paninindigan sa pamamagitan ng saknong at taludtod. Subalit nais buuin ng isang makata ang isang pag-iisip gaya ng paglalaro sa salita. Mahilig maglaro ang makata. Gamit nito ang bawat salita. Iniikot-ikot niya ito na parang bola. Binabato na parang dyolens. Pinipiga niya rin ang bawat salita na parang paglalaba. Binubuhos niya ang galit sa kapaguran ng paglalaba. Nakakapagod pagminsan. Subalit masipag ang makata. Nagpupuyat sa gabi. At kadalasan sa kalaliman ng kanyang mahimbing na tulog kusang bumabangon para lang isulat sa kapirasong papel ang mga taludtod na nabuo sa panaginip. Iyan ang alamat at hiwaga ng mga tulang ginuhit ng isang mataimtim na makata.

8.
Subalit totoo ring kadalasan ang makata ay “hindi nag-iisip.” Dahil sa totoo lang: binubuo nito ang tula sa hugot ng kanyang damdamin. Hindi lang sa utak nanggagaling ang kanyang mga salitang pinipili at ginagamit. Kadalasan sinusunod niya ang sinasabi at tinitibok ng kanyang puso. May hugot. Dito nanggagaling ang kakaibang kapangyarihan ng isang makata. Dahil sa mundo ng Sining: nangingibabaw ang damdamin kesa sa isip. Kaya nga pag may nakita o nabasa kang “maganda” hindi mo tinatanong kung bakit at paano naging maganda. Basta alam mo. Dahil yun ang naramdaman mo. Hindi mo kailangang suriin nang suriin ang technicalities kung paano sinulat o kung anong methods ang ginamit — basta alam mo sa sarili mo na sadyang maganda ang tulang iyan. Nabighani ka. Katulad din yan ng “love at first sight.” Hindi mo alam kung bakit. Basta ang alam mo na-in-love ka. Ganoon din sa tula o kung sa anumang obra. Habang nanonood ka ng konsyerto o play sa teatro: kusa na lang pumapatak ang luha sa iyong mata. Hindi mo na kailangan pang halungkatin o mamilosopiya kung bakit ka lumuha. Basta ang alam mo lang tumagos sa iyong puso ang iyong pinapanood o pinapakinggan. Ganun din sa pagsulat at pagbasa ng tula. Ikaw mismo ang makapagsasabi sa sarili mo kung tumagos sa iyo ang isang tula.

At kahit sabihin pang ginamit ng isang makata ang mga highfalutin words — kung wala naman itong impact sa mambabasa — hindi ito tatagos sa puso ng mambabasa. Nasayang lang ang pinagpaguran ng makata. Para sa mambabasa: nagmamayabang lang ang makata. Para bang nagpapa-impress lang. Nagpapasikat. Sa halip na tusukin o kurutin ng makata ang puso ng tao, lumalayo tuloy sila. Dahil una sa lahat: hindi nila maintindihan. Pangalawa, nagmumukhang tanga o napakabobo ng mambabasa dahil hindi nila alam ang ibig sabihin ng mga salitang ginamit at ang makata nama’y nagiging elitista. 

Wala namang masama sa paggamit ng mabibigat na salita. Kailangan din ito. Pero sa tamang konteksto. Sa malinaw na hangarin. Subalit ang magiging sukatan ay ito: sa hudyat ng pamamaalam ng isang makata sa mundong ito — maaalala ba ang mga tulang kanyang sinulat sa mabibigat na Ingles o salita? Nagbigay ba ng inspirasyon sa kanyang mga kaibigan, mambabasa, at tagasunod? May nabago bang buhay ng isang nilalang dahil sa kanyang sinulat? Kung wala: nararapat lang mag-isip muli ang isang makata at baguhin ang kanyang istilo ng pagsulat. Dahil sayang ang talento na meron sya. May tungkulin siya — higit sa lahat, sa Sining, at hindi sa kanyang Sarili.

9.
Ang isang makata ay nangangarap nang gising. Mahilig mag-day-dreaming. Ang mga bituin sa langit bigla na lang tumatalon, paroon at parito. Ang mga dahon bigla na lang sumasayaw sa musikang bigay ng hangin. Maging ang mga alikabok sa kisame nagmistulang barkada sa inuman. Ang mga paruparo ay mga kerubin o anghel na katuwang sa buhay. Ganyan ang pag-iisip ng isang makata. Nabubuhay ang walang buhay. Nabubuo ang isang kwento mula sa wala. Dahil dyan ang makata ay isang Manlilikha. Para rin silang Diyos na lumikha ng isang mundo. Sa bawat tulang sinusulat — nabubuo ang isang Unibersong ang tanging makata lang ang may kapangyarihang gumawa. Iyan ang kapangyarihan ng isang makata. Kaya totoo ang kasabihang “The pen is mightier than the sword.” Mas malakas ang salita dahil kaya nitong baguhin ang isang kaluluwa at lipunan. Totoong sa isang bala o armas: kaya nitong wakasan ang buhay ng isang tao. Pero ang salita kaya nitong baguhin ang isang tao’t lipunan. Ang kapangyarihan ng salita ay ang pagkurot nito sa puso ng tao. Baguhin mo ang puso ng tao at ang mundo’y mababago rin. 

10.
Sa bawat pagtatangka ng makata binibigay niya ang isang obra na kahit sa kanyang paglisan sa mundo ay maaalala pa rin siya. Sa bawat letra at linya: naroon ang kanyang paglalakbay sa mundo. Naroon ang kanyang mga pangarap sa buhay. Naroon ang mga nakatagong hinaing at maging kasiyahan. Nakatago dahil hindi lahat ng nababasa ay “iyon na.” Kadalasan sa pagbasa ng tula kailangan alam mong magbasa nang “between the lines” at “beyond the lines.” Iyan ang hamon sa ating lahat. Sa bawat tula: hindi natin alam “talaga” kung ano ang nais sabihin o iparating ng makata. Ito ang hiwaga ng sining na ito. Bawat isa ay may kanya-kanyang interpretasyon. Kung kaya’t laging sinasabi “Beauty lies in the eyes of the beholder.” Subalit hamon din na sana tama ang ating paningin: malalim, makabuluhan, mausisa, at malawak. Nawa’y hindi tayo bulag sa kung ano talaga ang “maganda.”

Ang isang makata ay alipin ng Kagandahan. Handa niyang ialay ang kanyang buhay, at maging kamatayan, sa ngalan, karangalan, at tagumpay ng tinatawag nating Sining.

Bilang pagtatapos narito ang isang tula:

Subukan Mo
ni Rado Gatchalian

Subukan mong lakbayin ang bayang hindi pa nakikilala,
Subukan mong isulat ang isang kwentong wala pang pamagat,
Subukan mong suntukin ang buwan hindi dahil sa ikaw ay galit, kundi dahil ikaw ay umiibig,
Subukan mong pigilan ang daloy ng iyong dugo upang mabuhay ang isang naaagnas na kaluluwa,
Subukan mong isigaw ang pangalan ng iyong ama at ina, upang ipagdiwang ang buhay na meron ka,
Subukan mong hugasan ang iyong mukha sa batis upang makita mo kung sino ka,
Subukan mong ipikit ang iyong mata upang masilayan mo ang liwanag na nagtatago sa dilim,
Subukan mong bumalik sa iyong pagkabata subalit matutong magpatawad,
Subukan mong huminga nang malalim hindi dahil para sa iyo kundi para sa mga batang natutulog sa ilalim ng tulay,
Subukan mong manahimik para naman kahit isang saglit ikaw ay tunay na makarinig,
Subukan mong sumulat kung sino ka talaga, hindi dahil ito ang sabi ng lipunan kundi dahil ito ang gustong sabihin ng iyong kaluluwa,
Subukan mong mabuhay nang parang isang saknong upang malaman mong ang lahat ng bagay ay may katapusan.

Subukan mo… Nang malaman mo…

#TheFILOsopher
#Tula
#Makata
#Sining
#PaanoMagisipAngIsangMakata
#HiwagaNgPagsulat
#Panitikan

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH