PAGPAPAMILYA

Tula ni Dimple Lobo Corcina Opina

Ang pagpapamilya ay ang pusod ng buhay ng pag-aasawa,
Sa dahilang ito ang simula ng walang katapusang pagpahahalaga,
Dito nasusukat ang tibay ng pagsasama,
Kung saan ang haligi't ilaw ay magkakasangga.

Ang pagpapamilya'y sumusuyod ng pagsisikap,
Nagpapalawak ng pasens'ya at takbo ng utak,
Dito'y binubuo ang pangarap na bukas,
Dito'y tinitimbang ang gaan at bigat ng responsibilidad.

Ang pagpapamilya'y tunay ngang katuparan,
Kung bakit mayroong ligawan at kasalang namamagitan,
Sa dalawang nilalang na nag-iibigan,
Na nais mag-ani ng mga bungang pahahalagahan.

Isang karangalan sa isang magulang,
Na ang kanyang bunga'y mataba sa paggalang,
Mayabong ang unawa sa bawat pangaral,
N'yaong ama't inang hindi napapagal,
Sa pagpupunyagi at pagbubungkal,
Upang mga anak magkamit ng magandang buhay.

Nasa ama't ina ang kaparaanan,
Ng tamang pagpapalaki o pagpapa-ulayaw,
Sa kanilang kamay doon nakasalalay,
Ang hubog ng ugali at ng katauhan,
Na magiging tulay upang maging matagumpay,
At ng mga bunga'y maging dangal sa lipunan.

Ang pagpapamilya'y di nga gawang biro,
Lahat sunusugal, may nananalo't natatalo,
Depende sa diskarte nitong manlalaro,
Sa katauhan ng mga bunga at mga puno.

©DimpsKzie🌹
#Filipino Poets in Blossoms 
July 23, 2021

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH