BALIKTAD NA ANYO
Note:
Dex Amaroso, one of the leading Administrators of the Filipino Poets in Blossoms, threw a challenge to the members in the group to write a poem using a VISUAL PROMPT. He posted a photo of a tree with a provocative character that at first glance, many could not hold back their laughter.
Pantasyang "Tikbalang"
Sa gitna ng bukid, Ako ay napadpad
Nabiling ang mata, naligaw ng landas
Sa kalagitnaan, puno'y matataas
Kakila-kilabot ang aking namalas
Kaiba sa lahat ang aking namasdan
Wari'y isang taong, na naging kriminal
Nakabitin siyang, tuwarik ang lagay
Paa'y nasa itaas, hindi maikampay
Ulo'y nakabaon, ang buhok ay ugat
Ang kamay at braso, sangang nakasayad
Ang buong katawan, punong anong tangkad
Hita, tuhod at binti'y nakabukadkad
Tama ang nangyari, kung ito'y parusa
Pusakal na mama, ay walang kawala
Di makakataas sa "gubat ng sumpa"
Dahil
pa tuwarik
di pwedeng magwala
Sa bukid pantasya, ako ay hinila
Ng isang tikbalang at ako'y dinaya
Ang kababalaghan
mukhaang nakita
Nanginig sa takot
dibdib kumakaba
Mabuti na lamang, ako ay pumikit
Maikling dalangin ang aking nasambit
Biglang nalinawan ang gusot na isip
Pag buntong hininga'y ako'y nakabalik
Hulyo 5, 2021
Kathang-isip ni
Dorie Reyes Polo
Source: Filipino Poets in Blossoms 🌸
🌿🌿🌿🌿🌿🌿🌿
Tulawento ni Punongkahoy
Ni Regor M. Dillo
Pagmasdan mo ako, lubhang matipuno,
May kambal na sangang hindi mapaglayo;
Mga braso ko 'yan, pananggol, panugpo
Sa anumang salot, sa aki'y gugupo.
Ako ay para ring isang taong buhay,
Sa dakong umaga'y kaysiglang pagmasdan;
Sa dakong tanghali ay naiinitan,
Pagsapit ng hapon, ramdam din ang lumbay.
Kung katanghalian, magpahingalay na
Sa taglay kong lilim upang guminhawa;
Sumandig sa puno, ipikit ang mata
At mga dahon ko, ay papaypayan ka.
Ang dapyo ng hangin, iyong ulinigin,
May tila kundimang masayang awitin;
Iyong pagkabagot, kagyat papalisin
At iduduyan ka nang buong paggiliw.
May hatid na bango ang aking bulaklak,
Kapag nasamyo mo, paghinga'y luluwag;
Silbing palamuti na ubod nang dilag,
Na nagpapasaya sa gitna ng gubat.
Sa mga sanga ko'y may pugad - pag-ibig,
Pinagsasaluhan ng magkasing pipit;
May mga inakay, nagkandi-kandirit,
Sumasayaw-sayaw, habang umaawit.
Ang tila galamay, aking mga ugat,
Sa biyayang lupa'y mahigpit ang hawak
Upang kung umulan ay hindi maagnas,
Hindi mabubuwal ng bagyong malakas.
Kayong mga tao na matalino raw
Pero utak - lamok, pahat ang isipan;
Kami'y pinuputol, tinatampalasan,
Pag kami'y naubos, babaha sa bayan.
FPB/July 10, 2021