PIRA-PIRASONG PATLANG
Ni Rado Gatchalian
PIRA-PIRASONG PATLANG
(Para sa mga makata at musikerong patuloy na naglalakbay)
naglalakad, mag-isa,
patungo sa paraiso,
sa tabing-ilog,
katuwang ang dahong nababad sa araw,
yakap niya ang punong nangungulila
sa pagmamahal.
may alamat sa kanyang panulat
walang salita ang di makakalimutan
ang bawat kataga
malaya
lumulutang sa pagkalasing
sa alak na bigay ng kaibigan.
wala na sigurong ikararangal niya
kundi ang maalala man lang
na may isang makatang
nagmatyag, nakibaka...
darating ang araw ang bawat tula
ay isa lang salita
na naglahong-bula.
pero hindi mahalaga
kung ang oda ay nalimot ng tadhana:
maging ang bituin
kikinang at mawawala.
ito ang alamat ng isang makata –
may himala sa bawat letra
may luha sa bawat tinta
pira-pirasong patlang sa pagitan ng langit at lupa.
lilipad na walang pakpak
sisigaw kahit wala nang mabanggit:
mananahan sa isang pirasong papel,
tahimik, nananaginip kasama ang anghel...
Source:
Filo-sopher