SA AKING MGA KABATA
I
Kapagka ang baya'y sadyang umiibig
Sa kanyang salitang kaloob ng langit,
Sanlang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.
II
Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharian
At ang isang tao'y katulad, kabagay
Ng aling man likha noong kalayaan.
III
Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda,
Kaya ang marapat pagyamaning kusa
Na tulad sa inang tunay na nagpala.
IV
Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin,
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.
V
Ang salita nati'y tulad din sa iba
Na may alpabeto at sariling letra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.