ABAKADA NG ATING WIKA AT AWIT
Tula Musika
Sa panulat ni Jose Ava Velasco
(Sinulat noong 18 July 2006)
Buwan ng Wika
Bilang huling araw ng Agosto, Buwan ng Wika, narito ang ating kasamang makata na si Jose Ava Velasco, tubong Atimonan, Quezon, na ngayon ay nasa Sydney, Australia na.
Naaalala ko pa ang awit ng abakada
Na inawit ni Florante noong ako ay bata pa
Ngayo’y aking aawitin subalit may kaiba
Ito’y aking binago para sa Linggo ng Wika
Kaya’t halina kayo at inyong pakinggan
Itong awit na wika na ating kailangan
Wikang abakada na ating kinamulatan
At dito rin hahantong susunod na kabataan
A BA KA DA E GA HA I LA MA NA NGA O PA RA SA TA U WA YA
A - ting wika at kailangan lang
B - agay na dapat pag-aralan
K - arunungang matatagpuan
D - apat ituro sa kabataan
E - wan ang sagot kung di nila alam
G - agayahin ba itong mga mangmang
H - ahayaan bang sila’y magkagayon
I - wasan natin kung may pagkakataon
L - abis-labis ang makukuha
M - agsikap lamang at pag-aralan
N - asa wika ating pag-asa
Nga - yo’y sikapin na ito ay magawa
O - ras na upang tayo ay magising
P - ansinin natin ang dakong madilim
R - ikit ng araw ang s’yang dapat marating
S - ikapin nating ito ang abutin
T - ulong-tulong at sama-sama
U - pang ang bansa ay gumanda
W - ikang daan ng pagkakaisa
Y - aman na bagay na madadala
#BuwanNgWika
#Tula
#JoseAvaVelasco
#Makata
#Pilipino
Source: FB/Rado Gatchalian/
The FILOsopher
August 31, 2021