ANG LAYON AT HALAGA SA BUHAY

Buwan Ng Wikang Pilipino

Unang Tula Sa Buwan Ng Wika
❤❤❤

"Ang Layon At Halaga Ng Buhay"

Bawat oras sa anumang panahon,
May magbubukas na pagkakataon,
May mga kabiguan sa bawat hamon,
May mabubuong tama at maling pagtugon.

Ang pagsuko ay 'di isang karuwagan,
Bagkus ito'y nagdudulot rin ng kapayapaan,
Nagiging daan upang isip ay lawakan,
Na nagbubunga ng matiwasay na kalooban.

Sino ka, sino ako, sino nga ba tayo,
Mayaman, mahirap, sikat ka ma't matalino,
Ang kaligtasan mo'y 'di nakabase sa plake at ginto,
Kungdi sa kung pa'no ginugol buhay mo sa mundo.

Ang lalim at lawak ng dagat,
Maging ang lupa't langit sa kanilang agwat,
Di mo matalos hiwagang kabalikat,
Ngunit alam nating Diyos ang Siyang lumikha sa lahat.

Kung maglalaho ito't lilipas,
At sa kapwa't kalikasan di tayo naging patas,
Sa buhay nating magwawakas,
Sa'n pupulutin kalul'wang sa kabuktuta'y naaagnas?

Ang ating buhay ay hiram lamang,
Sa malao't madali, hininga'y mapupugto't mapaparam,
Sa puso't isip  kaya ng ating maiiwan,
Tayo ba'y may kabutihang dapat na tularan?

©DimpsKzie🌹
Dimple Lobo  Corsino Opina 

Filipino Poets in Blossoms 🌸 
August 1, 2021

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH