ANO ANG KULAY NG BUKAS?
Ni Duio Ampilan
Paumanhin sa mga kabataan, magulang, ate, kuya, tito at tita kung ang sanaysay na ito ay kukurot sa inyong puso. Una, ang kwentong ito ay hango sa aking karanasan. Maaaring magkawangis ito sa inyong kwento at pinagdaraanan.
Maraming kabataan ngayon na sa kabila ng pag-aaruga at pagsuporta sa kanila upang maging matino at makatapos ng pag-aaral ay napapariwara at nababalin ang direksyon ng buhay sa nakababahalang sitwasyon.
Mapalad kayo kung may pagkain kayo sa hapag-kainan umaga at gabi. Mapalad kayo kung may sumusuporta sa inyo sa inyong pag-aaral at pang-araw araw na pangangailangan. Mapalad kayo kung may magulang o kamag-anak na umaaruga sa inyo. Mapalad kayo kung sa Pilipinas kayo nakatira.
Iilang kwento na ba ng kabataan ang ating narinig, nasaksihan o naranasan na nauwi sa pagkalulong sa droga, pag-aasawa sa murang edad, paghinto sa klase at tuluyang nalulustay ang oras na walang silbi.
Ilang kwento pa ba ang dapat danasin o masaksihan para ang mga dusa at pasakit ng inyong mga magulang, tito, tita, ate at kuya ay sukliyan ninyo ng hindi salapi kundi makita lang kayong nag-aaral nang maayos?
Marami sa amin, sa mga magulang, sa mga tito, tita, kuya at ate ang nagpapakasakit para sa inyo. Hindi biro ang bawat kwento sa likod ng aming pagpupunyagi para maiabot sa inyo ang aming konting tulong at suporta.
May mga magulang o kamag-anak kayo na ang gabi ay ginagawang araw. Nagtatatrabaho sila sa gitna ng gabi at tinitiis ang antok, sakit ng katawan at pagod. Marami sa amin ang malayo sa inyo at iyon ay hindi rin biro o laro. Ayaw sana naming mapalayo pero sa ngalan ng ikatatagumpay ninyo, hindi lang pawis at dusa ang aming puhunan, pati na rin dugo at aming buhay ay nakaalay na.
Marami sa amin ang tinitiis ang dusa at minsan pagmamaltrato para lang masiguro na nasa maayos kayo. Hindi na ikinukwento sa inyo ng iyong mga mahal sa buhay kung paano sila nagdurusa sa bawat konting tulong na dumarating sa inyo.
Hindi namin ito sinasabi upang maawa kayo. Sapat na ang maunawaan ninyo kami at makita na nagsusumikap din kayo.
Bakit ko sinabi na mapalad kayo kung sa Pilipinas kayo? Nagtrabaho na rin ako sa mga bansang South Sudan, Afghanistan, Yemen, Pakistan, Liberia, Nepal, Sierra Leone, Malawi at Iraq. Maraming bata sa mga bansang ito ang hindi na nag-aaral hindi dahil sa ayaw nila.
Marami sa kanila ang walang magulang. Sila ang tumatayong magulang ng mga musmos nilang kapatid. Marami rin sa kanila ang nilulunod ng kahirapan kayat kahit may paaralan ay wala silang kakayahang mag-aral. Mas pinipili nilang magtrabaho dahil kumakalam ang sikmura. Marami sa kanila ang natutulog na walang laman ang tiyan.
Maraming kabataan sa mga bansang ito ang masaya na kung may makakain sila isang beses sa isang araw. Marami rin sa kanila ang hindi na masisilayan ang bukas dahil iginugupo sila ng gutom at sakit.
Sa mga kabataang dumanas na ng matinding sitwasyon dahil sa pinili nilang buhay, manindigan kayo. Sa mga nagbubulakbol lang at hindi iniintindi ang pagdurusa ng kanilang mga magulang, baka may panahon pa kayo.
Saludo rin tayo sa mga kabataan na sa tindi ng pinagdaraanan, nagsusumikap sila. Sumasagi sa aking gunita ang aking pinagdaanan. Isa akong working student na nahiwalay sa magulang sa murang edad. Ako ay nagsikap, nagdusa at nagpakasakit para sa pangarap na umahon sa kumunoy ng kahirapan.
Sa mga kabataan, nasa inyong mga kamay ang pasya. May lakas kayong labanan ang kahirapan at hamon ng mundo. Ang pagsusumikap at pagsasakripisyo ng inyong mga magulang ay hindi para sa kanila, ito ay para magkakulay ang inyong bukas.
Alalahanin ninyo na minsan lang kayo mag-aral at isang beses lang ang ating paglalakbay sa mundong ibabaw. Ang inyong kabataan ay minsan na rin at hindi na mauulit. Kulayan ninyo ang bukas.
Source: FB
August 31, 2021