DALAGANG PILIPINA

Tula ni Lyn Ramos V. Alfonso 


Dalagang Pilipina

Maganda kang dilag, rosas ang katulad
Pag namumukadkad, ang ganda mo'y hayag
Dangal ka ng lahi, kaya't nararapat
Na sa buong mundo, ika'y mamayagpag.

Sa kilos at asal, namumukod- tangi
Sa mga salita'y mayrong pagtitimpi
Sa mga papuri, ang sagot ay ngiti
Sa puso ay wala, ang pananaghili.

Kung may mag aalay sa 'yo ng pag ibig
Ang ginagamit mo ay talas ng isip
Tapat na hangarin, ang dapat mabatid
Ang kislap ng ginto'y di dapat manaig.

Katulad ng isang babasaging kristal
Iniingatan mo karangalang taglay
Kung naisin mo nang humarap sa altar
Haharap kang buo, walang alinlangan.

Ang katangian mo'y dapat tingalain
Kahit na ng lahing mayaman sa atin
Katulad ng tala kung gabing madilim
Do'n sa kalangitan, ika'y nagniningning.

©Lyn Ramos V Alfonso
Photo : Ctto
Filipino Poets in Blossoms 🌸 
August 9, 2021

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH