DALAWANG TULA
Dalawang tula para sa Buwan ng Wika
Salamat FPB!
PAMANA NG ATING LAHI
Pilipino ako mula sa Perlas ng Silangan.
Bansang nagniningning na aking kandungan.
Gamit ang Filipino at mga katutubong wika,
Na hinabi ng panahon ng bansang malaya.
Wikang Filipino, siyang tagapagbuklod.
Bawat salita nito’y kalugud-lugod.
Sumasalamin sa makulay nating kultura,
At tinitibuk-tibok ng pusong nagkakaisa.
Wikang Filipino, ating gamitin at pagyamanin.
Saanmang panig sa mundo, lagi nating isipin,
Wikang Filipino, pamana ng ating lahi.
Isabay sa pag-unlad ng ating maharlikang lipi.
➖💠➖💠➖💠➖
Katutubong Wikang Gagamitin: Ilocano
Mga salitang gagamitin:
pagawidan- kanlungan
nadillaw- napansin
silaw- tanglaw
nakababain- kahihiyan
kinalammin- kalamigan
inaramid- ginawa
adal- edukasyon
GININTUANG KATUTUBONG WIKA
Ako’y sumibol sa Perlas ng Silangan.
Nagningning kasabay ng ating pagawidan.
Ako ang bigkis sa lahat ng mga Pilipino
At susi sa kalayaan ng ating mga ninuno.
Ako ang bantay sa lipi ng mga maharlika
At salamin ng ating mayamang kultura.
Dumadaloy sa akin ang makulay nating kasaysayan
Maging ang ipinagmamalaki nating panitikan.
Ngunit ako’y may nadillaw
Tingin sa akin, makulimlim na silaw.
Paggamit daw sa akin, isang nakababain
Kaya iwinaksi nang may kinalammin.
Sa isang pagsasaliksik na inaramid,
Ako’y nagbibigay-buhay na tuwid
At mataas na kalidad ng adal.
Hatid ko’y katuparan ng inyong dasal.
Ako ang katutubong wika, ang ginto ng inyong dila.
Gamitin at paunlarin dahil ako’y kaloob ni Bathala.
Katutubong wika, ating palaganapin.
Maliwanag na bukas, ating harapin.
Source: Filipino Poets in Blossoms