"HINAING KAY AMA"
Tula ni Anelyne Aragon Ruflo
Simula noong sapul pa ako
Presensiya mo ang 'laging hinahanap ko.
Sa mga panahon na galit sakin ang mundo,
Nasaan ka upang protektahan ako?
Ama, noong maliit pa'y pinangakuan mo ako
Pinanghahawakan ko iyon, kasi akala ko'y totoo.
Kahit pagmamahal at kalinga mo'y inaasam ko
Umaasa na sana, nasubaybayan mo ang paglaki ko.
Ama, ilang graduation ko na ang dumaan?
Ilang kaarawan ko na ang iyong nalipasan?
Sa bawat pag-akyata sa intablado'y, luha ko'y agad nagsibagsakan
Kahit ang pagsabit ng medalya ko'y 'di mo nasaksihan.
Ama, gusto kong magtampo sayo
Gusto kong sabihin lahat ng hinanakit.
Gusto Kong kamuhian ka sa lahat ng ginawa mo,
Ngunit wala akong nagawa, kundi ang umiyak sa dulo.
Sa mga panahon na kailangan kita,
Si ina ang naging sandalan ko kasi wala ka!
Sa tuwing nakikita ko ang iba kasama ang ama nila
Napapatanong ako "ano kayang pakiramdam magkaroon ng ama?"
Ama, 'di ko magawang magalit sayo
Ikaw ang dahilan kung ba't ako naparito
Naging panandaliang haligi ka rin sa ating tahanan.
Nawa'y maging matibay ka sa bago mong tirahan.
Mahalin mo nawa ang iyong anak sa iba
Iparamdam mo sa kanya ang bagay na sa ami'y 'di mo nagawa
Mahal kita ama kahit nasa piling kana ng iba
Salamat sa panandaliang panahon na ika'y aming nakasama.
___________________________________
✍️Anelyne Ruflo
8/12/2021
©️All Rights Reserved
Filipino Poets in Blossoms
August 13, 2021