MARIPOSANG ITIM
Tula ni Rado Gatchalian
Handog para kay Lina Cabaero
Makulimlim ang dapit-hapon
At nanginginig maging luntiang dahon;
Ang tuyong lupa’y may pakiusap,
Naghihintay sa pagpatak ng ulan.
Ang mariposang itim sa bulaklak at hardin
Ay paroo’t parito, maging sa lilim,
Hindi susuko, hindi mapapagod,
Lilipad nang payapa at buong lugod.
Sa iyong buhay na pinagkaloob:
Ang kagalakan ay para sa karangalan ng kapwa,
Para sa bayang nagmamakaawa,
At pakikibaka para sa mga kababaihang binusabos.
Katulad ng paglubog ng araw,
Malamig ang simoy ng hangin sa bayan,
Naroon ang iyong ngiting nanunuyo
Sa lupang iyong hahagkan nang buong-buo.
POSTSCRIPT:
Magkakaiba man ng tinahak na pakikibaka: iisa pa rin ang daluyan ng batis. Ito ang pag-ibig natin sa bayan at kapwa. Sa tuwi-tuwinang pakikipagsapalaran, patungo roon at dito, pagminsan tahimik, pagminsan may ingay: subalit may iisang damdamin at panalangin — ang makamit ang pagkapantay-pantay at katarungan lalo na sa inaapi at nalimot ng lipunan. Minsan kong nakadaupang-palad ang ating Kasamang Ate Lina Cabaero: maikli man subalit nagkausap ang aming kaluluwa at alam naming may mga bagay na hindi man mabanggit ng salita ay ganap pa ring totoo dahil ito ay nagmula sa iisang pangarap — isang bagong umaga para sa Bayang May Luha. Hindi ko rin makalimutan ang nabanggit niya patungkol sa aking tula at dahil dyan ay buong-puso kong handog ang tulang ito. Hindi na nating makikita pang muli si Ka Lina subalit tuwing makakakita tayo ng mariposa sa mga susunod na taon sana ito ang paalala sa atin na buhay pa rin ang kanyang pinaglaban para sa bayan at sa ating kapwa. RIP Ate Lina.
Source:
The FILOsopher
August 18, 2021