PAG-IBIG SA TINUBUANG WIKA



Ni Rado Gatchalian

Kadalasan bilang isang nilalang at maging Pilipino na rin ay mahilig tayong sumabay sa agos ng panahon. Kung susumahin ang ating mga galaw at panuntunan sa buhay: ginagawa lang natin ang mga bagay-bagay kung ito ay napapanahon.

Ngayong Buwan ng Wika nagsusumigabo ang ating pagdiriwang kultural at makabayan. Karamihan sa atin ay nag-uudyok ng paggamit ng ating sariling wika. Katangi-tangi naman ito at lubos na dapat ikarangal ang gawaing ito.

Subalit ang ating panawagan at panalangin ay maikintal natin sa ating isip ang tapat na pagdiriwang na ito. Magiging tapat lang tayo kung pagsusumikapan pa rin natin na gamitin ang Filipino o Tagalog sa ating pang-araw-araw na pamumuhay: sa ating pakikitungo sa kapwa, pagsasalita, at maging pagsusulat na rin.

At hindi lang ito nagsisimula at nagwawakas tuwing buwan ng Agosto.

Isang hamon sa ating lahat na ipagpatuloy ito sa bawat buwan at buong buhay natin.

Hindi rin naman masamang maging hasa sa wikang Ingles o iba pang wika. Kailangan din natin ito lalo na upang mas maging progresibo tayo bilang isang indibidwal. Kailangan din natin ito sa ating mga trabaho at pakikitungo sa ibang lahi. Mas kaaya-aya di ba kung mahusay tayo sa Ingles at mas mahusay sa Filipino?

Subalit ang mahalaga ay maitanim sa ating utak na habang ginagamit natin ang Ingles ay huwag din natin kalimutang gamitin ang ating sariling wika. Kailangan pa rin natin itong buhayin at pagyamanin. Kung may mga pagkakataon na nabibigyan tayo na magamit ang ating wika ay pag-ibayuhin nating mapalakas pa ito at huwag sayangin ang pinagkaloob na pagkakataon. Katulad na lang ng mga simpleng bagay na maaaring gawin ng mga Pilipinong nasa ibang bansa sa paggamit sa sariling wika: tuwing nagtitipon-tipon tayong mga Pilipino, kung may nakakasalamuha tayong bagong kababayan, kung kinakausap natin ang ating mga anak, at maging sa pagpapaskil ng ating mga kuro-kuro o opinyon sa social media.

Kailangan maging modelo tayo ng paggamit nito. Hindi nagtatapos sa pagsambit ng “Maligayang Buwan ng Wika!” para ipakita natin ang pagmamahal sa wikang Filipino. Karapat-dapat lamang na gamitin at ipagmalaki natin ito habang tayo’y nabubuhay.

Ang ating wika ay bahagi ng ating pagkatao. Dito nananahan ang ating kaluluwa. Ang minumutawi nating salita sa sarili nating wika – dito natin maririnig kung sino talaga tayo. Dito rin natin mararamdaman ang malalim na hugot ng ating damdamin. Kaya nga bilang makabayan mas sariwa, puro, at pino ang damdaming pagmamahal sa ating Inang Bayan kung ating pinapahalagahan ang ating Inang Wika. Naririnig ang tibok ng ating puso para sa ating bayan sa ating sariling wika.

Marahil isang hamon ito sa ating lahat. Huwag natin hayaang isang araw ang ating mga kabataan at mga susunod na salinlahi ay hirap sa pagsalita at pagsulat gamit ang sarili nating wika. Kung mamamatay ang ating wika para na ring mamamatay ang diwa at ugat kung sino tayo bilang isang lahi at bayan. Habang buhay tayo at hanggang kamatayan ay mahalin natin ang ating wika dahil ito ang kaluluwa natin bilang isang Pilipino.

#BuwanNgWika
#filipino

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH