PAGSILANG
Tula ni Shiery Ann M. Garcia
(Pangunahing Gantimpala Tula Sa Biyernes
August 13, 2021)
Larawan pagmamay-ari ng Blog Adm
Kung mayroon mang petsa na sa atin ay napakahalaga
Ito ang petsa ng ating pagsilang, hindi ba?
Petsa kung kailan tayo iniluwal ng ating ina
Petsang tayo ay lumabas mula sa sinapupunan niya.
Marami sa atin ang may inaabangan
Ang pagdating ng ating kaarawan
Kahit na malayo pa, sa kalendaryo ay bibilugan
Naroon ang galak at siglang nararamdaman.
Subalit may ilan sa atin, nakakalungkot man
Na ang kanilang pagsilang ang lubos nilang hindi nagustuhan
Ang ilan sa kanila'y isinilang at iniwan lang kung saan.
Matapos iluwal, sila ay pinabayaan.
Sa ating pagsilang, mayroon mang pagkakaiba
Ipinanganak man sa kalsada o sa malambot na kama
Normal mang inilabas o ang nanay ay inopera
Bawat isa ay regalong nagmula sa Kanya.
Masakit at mahirap na maintindihan
Bakit may mga pagsilang na hindi hinahayaan
Mga dahilang hindi natin matarok
Hindi ba nila batid na ang bawat pagsilang ay Kanyang kaloob?
Isinulat ni: Shiery Ann M. Garcia
Filipino Poets in Blossoms