RAMON MAGSAYSAY, TAPAT NA PILIPINO
Maikiling panulat ni Rado Gatchalian
Ngayong ika-31 ng Agosto ay inaalala natin ang kaarawan ng isang tapat at magiting na Pilipino — Pangulong Ramon Magsaysay, tubong Iba, Zambales. Naging Pangulo mula 1953 hanggang 1957. Sa kasamaang-palad ay bumagsak ang kanyang sinasakyang eroplano sa Bundok Manunggal, Cebu noong Marso, 17, 1957. Naiulat na nasa dalawang milyong Pilipino ang nakilahok, nakiramay, at nagluksa sa state funeral na ginawad sa kanya. Itinuring ng mga Pilipino noong nabubuhay pa siya bilang “kaisa” nila lalo na ang mga magsasaka, mahihirap, at ordinaryong Pilipino.
Naging Pangulo ng Masa. Naging malapit sa puso ng tao. Sa kanyang panunungkulan ay binuksan niya ang Malacañang para sa Pilipino. Kauna-unahang Pangulo ng Pilipinas na nagsuot ng barong tagalog noong siya’y nanumpa bilang Pangulo.
Nakalulungkot na ang bagong henerasyong Pilipino ay hindi na masyado kilala si Pangulong Ramon Magsaysay. Isa siya sa dapat na magsilbing idolo o modelo ng Kabataang Pilipino.
May mga ulat na noong yumao siya ay wala siya masyadong naiwang kayamanan o pera sa kanyang naulilang pamilya. Ito ay isang patunay ng kanyang malinis at tapat na paglilingkod, walang bahid ng korapsyon.
Si Pangulong Magsaysay ay naging guerilla fighter noong World War 2. Siya rin ay unang nagtrabaho bilang isang mekaniko.
Bilang Pangulo kapansin-pansin ang pagiging mapagkumbaba niya.
Isa rin sa di malimutan sa kanyang panunungkulan ay ang paghina at pagbagsak ng komunistang HUKBALAHAP at pagsuko ng kanilang pinuno na si Luis Taruc.
At bilang pagpugay sa kagitingan ni Magsaysay ay nabuo ang Ramon Magsaysay Award para sa Asya noong April 1957, ang counter-part ng Nobel Prize ng Amerika.
Ang aking panalangin ay mapagsumikapan ng Lipunang Pilipino na huwag kalimutan ang kadakilaan ni Ramon Magsaysay. Gaya ng pagkilala natin sa ating mga dakilang bayani gaya nina Rizal, Bonifacio, Mabini, Tandang Sora, at Jacinto, sana ay isama rin natin sa ating isip at puso ang pangalan ni Ramon Magsaysay.
Ang Kabataang Pilipino ang pag-asa ng ating bayan — at ang pangarap na ito ay mas lubos na makakamit kung ating bibigyang halaga ang mga Pilipinong nagbuwis ng buhay para sa atin at nabuhay upang maglingkod ng tapat sa bayan.
Ramon Magsaysay, Tapat na Pilipino!
Nais kong tapusin ang maikling sanaysay na ito sa sinabi ni Pangulong Ramon Magsaysay:
“I believe that he who has less in life should have more in law.”
#RamonMagsaysay
Source : FB/ The FiloSopher