SA PANAHON NG PAGKABATA
Tula ni Bebang
August 15, 2021
...
Sa Bunton ng mga Dayami
Nuon nga ay kaunti pa lang ang mga taong naninirahan sa Marikina sa lugar ng Paliparan
Ang malalawak na mga bukid na nakapaligid ang nagsilbi naming palaruan
Makikita mo ang nakatambak na bunton ng dayami pagkatapos ng anihan
Mula umaga hanggang gabi, ang paglalaro doon ang aming pinag-kakaabalahan ...
Humahanap kami ng madadala naming mga karton para gumawa doon ng bahay-bahayan
Bawat isang kasali ay obligadong magdala ng sandakot na bigas at kami'y maglulutu-lutuan
Abala ang iba sa kanilang saranggola at sa pagpapalipad nito ng mataas, sila'y nagpapaligsahan
May naglalaro din ng base ball, ingat ka lang dahil sa paghagis ng bola, baka ikaw ay tamaan ...
Sa isang gilid naman ay may makikita kang nagtuturo ng tungkol sa bibliya para sa kabataan
Pagkatapos ay magtatanong na siya at kung nakikinig kang mabuti ay magkakaalaman
Ikaw ay tatanggap ng ibinibigay na pabuyang kuwaderno sa bawat tamang sagot sa kanyang katanungan
Mayroon ding kendi o anumang gamit sa paaralan, minsan may dagdag pang masigabong palakpakan...
Malayo kami sa kapahamakan kasi'y maganda pa ang kalikasan at maayos ang kapaligiran
Mabilis kaming mapasaya dahil sadyang mababaw lang ang aming kasiyahan at kaligayahan
Pati na nga ang tanim ni Lolo na kamoteng kahoy ay aming pinakielaman para gawing kuwintas bilang katuwaan
Pinitas ang tangkay na may dahon at isinabit sa leeg namin na pag nakasuot na ay magkukunwaring mayaman...
Manghuhuli ng malalaking gagamba sa umaga at ang basyong bahay ng posporo ang pagsisidlan
Pagdating ng katanghalian, ang mga kabataang lalaki ay " wrestling " na ng gagamba ang pagkakaabalahan
Kaming mga babae, pick-up stick, jackstone, sungka o kaya ay magpalakihan ng pinalobong plastic baloon ang pinagkakatuwaan
Andiyan rin ang mga palayuk-palayukan, manika at iba pang mumurahing laruan na nabibili lang sa pamilihang bayan...
Minsan ay dinikdik na dahon ng gumamela, konting tubig at sabon, gamit ang alambre na kinorteng bilog ang dulo ay aming hinihipan
Kasiyahan sa aking paningin ang mga bulang sunod-sunod na lumalabas na tila lobong nagkukulay bahaghari habang minamasdan
Kahit sobrang pagod, nakakatulog pa rin kami ng maayos habang nakabukas ang malalaking bintana sa aming tahanan
Masarap at payapa sa pakiramdam na kasama namin sa malaking kulambo ang aking mga kapatid at magulang na dating nagmahalan...
©Divina Cruz Tagaza
Filipino Poets in Blossoms