MATTHEW
The FILOsopher’s Special Series
Galing ng Kabataang Pilipino
Pilipinas, Ikaw ang Aking Bansa!
Tula ni Avon Adarna
Sa pagbasa ni Matthew Elijah F. Guevarra
(Video released with permission from the child’s parents)
Tuwing naririnig at nakikita natin ang Kabataang Pilipino na niyayakap ang yaman ng Wika, Panitikan, at Kultura ay nabubuhayan tayo ng loob na may pag-asa pa ang ating bayan. Ang ating pangarap ay patuloy na yakapin ng ating kabataan ang mayamang Sariling Atin.
Tinatampok natin si Matthew Elijah F. Guevarra na nasa ika-anim na baitang sa kanyang pagbasa ng tulang “Pilipinas, Ikaw ang Aking Bansa!” Ito ay ginamit niya sa patimpalak sa Pagtutula sa kanyang paaralan bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021.
Sino si Matthew?
Si Matthew Elijah F. Guevarra, 10 taong-gulang, ay ang panganay na anak nina Gino D. Guevarra mula sa Quezon City at Ana Marie F. Guevarra na tubong Dagupan City. Kilala bilang Eli (ee-lye) sa pamilya at Matt naman sa mga kaibigan, si Matthew ay nasa ika-6 na baitang sa Academia de Bellarmino, Quezon City. Nakahiligan niya ang pagbabasa ng mga nobela ni Rick Riordan, pagtugtog ng organ (self-taught through Youtube tutorials) at paglalaro ng online games kasama ang mga kaibigan at kapatid na si Eloah Gabrielli mula nang nagka-pandemya.
Pilipinas, Ikaw ang Aking Bansa!
ni: Avon Adarna
Sa hitik na yaman nitong kalikasan,
Hindi magugutom, hindi magkukulang,
Pilipinas na Ina ng mamamayan,
Kumakandili nga sa buting kandungan.
Ang mga dagat at kailaliman,
Saganang pagkai’t mga pangisdaan,
Ang lalim na tubig na asul sa kulay,
Ay siyang panlinis sa lupang katawan.
Ang mga gubat na hitik sa bunga,
Ipantawid-gutom sa kalam ng bituka,
At pati hayop sa dulong kabila,
Nabubusog din at nagpapakasawa!
Ang mga lupa sa luntiang bukid,
Ay pakikinabangan kapag pinilit,
Magtanim lamang ng palay o mais,
At tiyak na kakain sa oras ng gipit!
Mahalin ang bayan saan man pumunta,
Ipagtanggol nga sa dayuhang bansa,
Ibiging mabuti at maging malaya,
Upang manatili ang Inang dakila!
Ang tula ay alay sa mahal na bansa,
Pagkat ako’y kanyang inaaruga,
Itong Pilipinas na bayan ko’t ina,
Mamahalin ko saan man pumunta!
#BuwanNgWika
#KabataangPilipino
#PilipinasIkawAngAkingBansa
#AvonAdarna
#Tula
#MatthewElijahFGuevarra