TATLUMPO'T ISANG GUHIT

Ni Rado Gatchalian


Tatlumpu’t Isang Guhit 
(Mga Araw ng Pagninilay sa Buwan ng Wika)
Ni Rado Gatchalian

Agosto 1
Buwan na naman ng Pagtatanghal at Patimpalak kung sino ba talaga tayo bilang sambayanan?

Agosto 2
Tagalog, Pilipino, Filipino: ano nga ba ang tamang kasagutan?

Agosto 3
Ano ba ang matamis sa dila: ang wikang banyaga o ang ating inang wika?

Agosto 4
Paanong babanggitin ang isang salitang di naman talaga sa atin?

Agosto 5
Pero paano mabubuhay sa makabagong panahon kung hindi yayakapin ang bagong salita?

Agosto 6
Saan ba talaga nanggagaling ang totoong pagkatao: sa wikang sinasambit o sa pusong umiibig?

Agosto 7
Habang ang lahat ay abala sa tsimis dito, tsismis doon: hindi ba’t ang pinakamadaling wika ang gamit sa pamamalita?

Agosto 8
Hindi na baleng kalimutan ang panuntunang balarila basta ang sa tingin mo’y naiintindihan ng madla?

Agosto 9
Subalit kailangang pahalagahan ang wikang minana pa sa ating kanunu-nunuan.

Agosto 10
Kung bakit kinalimutan ang wika ay dahil na rin sa kabiguan nating ito’y mahalin.

Agosto 11
Ngayong ang kabataa’y nalimot ang mga salitang halaw pa sa Florante at Laura, paano pa kaya sa mga darating na umaga?

Agosto 12
Kung maging ang mga salitang tulad nito: panuto, pisara, pamantayan, kawikaan, sanaysay, talata, at panuntunan — ay hindi na rin alam.

Agosto 13
Kung ang abakada’y lito kung ano ang katinig at patinig: saan paroon ang letrang magbibigay laya sa ating bayan?

Agosto 14
Kung maging sa Wikang Pambansa ay lito kung ang Filipino ba ay kasinghulugan din ng Tagalog?

Agosto 15
Paano magkakaisa ang bayan kung maging ang Wika ay pinagtatalunan?

Agosto 16
Paano susulong ang bansa kung ang bawat isa ay kanya-kanyang pinaglalaban kung ano ang dapat na wika?

Agosto 17
Ilocano, Kapampangan, Bisaya, Ilonggo, Hiligaynon, Bicolano, Pangasinan: ang bawat isa ay natatangi.

Agosto 18
Maging kung ano ang dialekto at lengguahe ay isang walang katapusang kalituan at pagtatalo.

Agosto 19
Kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon, ang Ama ng Wikang Pambansa.

Agosto 20
Siguro kung ang lahat ay nagsimula sa iisang salita — at ang katapusan ay iba’t ibang wika: marahil ito ang katangian ng pag-usbong ng mayamang kabihasnan. 

Agosto 21
Nang pasimula siya ang Salita, at ang Salita ay Sumasakanya.

Agosto 22
Kung ano mang kapangyarihan ang taglay ng Wika: kasama na rito ang tayo’y makalaya sa lahat ng uri ng kadiliman.

Agosto 23
Subalit paano nga magiging malinaw at nasa liwanag kung hindi natin mapagtanto ang tamang salita na aagapay sa atin?

Agosto 24
Sa ating pagsilang at sa oras ng ating kamatayan: ano ba ang salitang una at huli nating sasambitin?

Agosto 25
Hinahanap natin ang ating pagkatao? Mabubuo ba ito gamit ang wikang banyaga?

Agosto 26
Kung sa pagsikat at paglubog ng araw naroon pa rin ang hinihintay na liwanag: katulad din ba ng Wika, naghihintay lang sa ating pagbabalik?

Agosto 27
Kung nalimot natin ang Sariling Wika: paano natin maaalala ang hiwaga ng ating simula bilang isang nilalang?

Agosto 28
Ang ating kaluluwa’y nananahan sa Wikang nabuo sa ating Lupang Tinubuan.

Agosto 29
At sa Wikang Atin na ang ugat ay Lupa, ang bunga nito’y uusbong lamang sa pusong tapat.

Agosto 30
Subukan mong yakapin muli ang Salitang nagsasabing: “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa kanyang paroroonan.”

Agosto 31
Darating ang umaga o gabi: na ang pinakahuli mong sasambitin ay ang Wikang nagpapatibok sa iyong pusong sabik sa pagmamahal.

August 23, 2021
#BuwanNgWika




Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH