TAWA NG ISANG INA
FOT 1994
Ulladullah NSW
Tawang nagbibigay buhay
Sa iyo'y bungad bating umaalab.
Tila ba walang suliranin sa kanya'y di tumatalab
Kaluluwa niya'y para ding langit na may sinag subalit may nakatagong lumbay.
Saya ng kaanyuan di napaparam sa kalagitnaan ng unos
Unos ng dusang tinamo sa pang-aaping nasadlakan
Luha sa gabi'y tulad ng bahang umaagos
Sa mukhang marangya, lungkot ay di nasisilayan.
Sa labi ng mga musmos ngiti'y naging palamuti
Walang kamuwang-muwang sa tunay na mga pangyayari
Saya ng kawalang malay sa piling ng kanilang ina
Mga yakap at yapos nito'y sa kanila ay nakapagpaligaya.
Nag-iisa man akong magulang ito'y di ko ikinakahiya
Dahil sa sariling sikap naitaguyod ko sila ng marangal
Hirap ng buhay ay hindi inalintana
Ang pag aaruga sa kanila ay tumbas ng aking pagmamahal.
Buhay naming mag-ina sa Maykapal aming itiningala
Bendisyon at proteksyon ang tanging
hangad sa Kanya
Biyaya'y lubos naming pinapasalamatan
Hanggan kamatayan, siya'y di namin makakalimutan.
© Leah C. Dancel
Copyright @July 27, 2021
All rights reserved
SH-Australia
Filipino Poets in Blossoms 🌸
Buwan ng Wikang Pilipino
August 1-30, 2021
(Outside Competition)
💥💥💥💥💥💥💥
Tula/Komento
Helen Sarita
Napakaganda talaga! Ang ngiti ay syan'g pagpahayag ng isang kaluluwang nagpasasalamat.
Cherrie Facun Dancel
Ang isang ina ay di tumitigil magparamdam ng pagmamalasakit at pagmamahal sa kanyang mga anak.
Kapag napalaki niya silang maayos at naging mabuti sa kapuwa sa puso ng ina ramdam ay tunay na galak.
Divina Cruz Tagaza
Dancel Leah maganda at ramdam mo ang aruga ng mala-sundalong Ina na ipaglalaban ka anuman ang hamon ng buhay at tunay na masarap talaga ang mayroon kang mapagmahal na Nanay.
Dorie Reyes Polo
Pusong Inang punong puno ng pagalinga, paninindigan at pagmamahal upang maitaguyod ang mahal na anak. Dakila ka Sis. Dancel Leah. Mahigpit na yakap.
Eureka Cambonga Bianzon Robey
Napakasarap basahin ng tulang isulat sa wikang tagalog. Lahat malalagpasan ng isang ina para lamang sa minamahal na mga anak. Kahit anong unos kayang tahakin para lamang sa kanila.
Gloria Gonzales-Agustin
Tagos sa aking damdamin ang nilalaman ng iyong tula. Isinatinig mo ang kahalintulad ng aking mga karanasan.
Dancel Leah, ang Diyos ay naririnig ang ating mga karaingan kahit sa pamamagitan lamang ng buntong-hininga.❤
Isabel Dichupa
Pusong ina ay walang pagsidlan
ng buong kagalakan pag buo
ang pamilyang nagmamahalan
at nagtutulungan ang mga kabataan.
Kahit sila ay malayo at may sariling pamilya na ang pagmamahalan at
pagtutulungan ay dala pa rin hanggang kaapuhan.
Jeffrey Cejero
Kahit anong unos ang darating sa buhay, hanggat nandiyan ang mga anak, kakayanin ng ina na malampasan ang mga ito. Ganyan din kasi si nanay ko. Nakapagbibigay-inspirasyon ang sinulat nyo mam Leah Dancel.
Lynn Garcia
Tawa ng isang matatag na ina, mapagmahal at puno ng tiwala sa sarili para s magandang kinabukasan ng kanyang mga mahal na anak. Saludo ako sa iyo Admin Leah Dancel.
Ninfa Vazquez Mateo
Ngiti na laging namimilaylay sa maputlang labi,
Panaklong at pangubli sa nadaramang hapdi,
Hindi mababanaag ni masisinag ang bigat na sakbibi,
Nasa puso't isipan ang nadarama bawat sandali......
Napakagandang tulain, aking ate. Tunay na larawang namasdan ko sa aking paglaki. Halos makikita mo sa maraming tahanan. Isa kang matatag na moog..ang saya ay isang sandata upang malampasan ang ano mang pagdurusa.
Rebecca Tarog Adjie Canon
Ang ngiting may ligaya ng isang ina
ang kapantay ay langit ang dala
ang makitang malusog ang mga anak
dulot nito ay walang kapantay na galak
Anak ay pag-asa ng magulang sa katandaan
inaasahang sila sa atin ang mag-aakay
lalo kung ang ating paningin ay lumisan
ang mga anak ang tunay na magbabantay