At Malay Mo Pipitasin Mong Muli

At Malay Mo Pipitasin Mong Muli
(Isang Eksistensyal na Pagtutunggali)
ni Rado Gatchalian 



Kahapon lamang ay pinitas mo
ang maghapong alindog
ng paghahanap kung sino ba ako.

Lito pa rin ang madla
at maging kabataan ay di alam
kung ano ang aking pangarap.

May nagsasabing ako ay atiyesta,
ang iba’y magtatanggol na ako’y banal,
na ang panalangin ay gayumang tula.

Subalit kahapon nga lamang ay sinubukan
mong kilalanin ang aking kaluluwa,
nakatago sa isang kapirasong papel,

Na ang wakas ay nasa simula pala.

Puspusan ang paghahanap sa lumang pahina,
at kahit na babad sa magdamag na
pagbilang sa mga nakatagong bituin

Hahanapin at hahanapin pa rin.

Ang lalim man ng pinaghugutan
ay di tiyak kung may hangganan,
siguro kahit ilang beses hukayin ang lalim nito,

Isang gabi, susuko ang lahat sa isang pananampalataya —
ng meron at wala, ng ako at di ako.

At kung matapos mang bilangin
ang isang libong bituin,
para saan pa ang hinahanap na ligaya  

Kung sa pagtalima ay maubusan ng hininga.

Pero di bale nang maubos ang lakas,
di bale nang mahulog sa alindog ng buwan 
na nagtatago sa likod ng ulap:

Kung ang kapalit ay makilala ang mahiwagang alamat.

Subalit mananatiling anino sa tanghaling-tapat,
ang lilim ay nagmamatyag sa isang makatang
ang ritwal ay kausapin ang puno sa bundok at patag,

Kahit kahapon lamang ay sumubok na ako’y hagkan.

Marahil kulang pa rin ang pagsusumikap,
at kung di makuha sa santong dasalan,
isigaw mo ang lahat ng iyong agam-agam

At malay mo pipitasin mong muli ngayon ang bungang naghihintay sa Eden:

Isang metaporang ang tamis ay luwalhati sa gabing walang kinikimkim.

#TheFILOsopher
#BuwanNgPanitikan2021
#Tula
#Pilosopiya
#PilosopoTasyo
#hugotngmakata

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH