SAAN KA MAN NAROROON

Tula ni Emilio L Aguinaldo

"SAAN KA MAN NAROROON"

Ika'y tumingala sa pisngi ng langit
kapag nag-iisa't ang gabi'y tahimik
kung mayr'ong bituwing ikaw ay masilip
nar'on ang diwa ko't kita'y minamasid.

kung sakali namang ang gabi'y mapanglaw 
at walang bituwing ikaw ay matanaw 
sa likod ng ulap na lubhang matamlay
nar'on ang puso kong sayo'y nag-mamahal.

sa iyong paligid ikaw ay magmasid
kung ako'y limot na't malibing sa isip 
ang hihip ng hangin sa'yo'y mag-hahatid
ng pag-mamahal kong magpa-hanggang langit.

kung di mo na ako muling magunita
at sa isipan mo'y mag-laho ng bula
kung liligaya kang iwaglit sa diwa
ay salamat na rin sa Poong Bathala.

ang aking dalangin sa Poong Maykapal
ika'y lumigaya habang nabubuhay 
malibing man ako sa limot mong taglay
ang puso ko nama'y laging nag-mamahal.

katha ni emilio laxamana aguinaldo

♥*✿*•♥

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

VACCINES OF DEATH

Bakit Nakatungó Ang Uhay Ng Palay