WALANG MONOPOLYO ANG PAGKAMAKABAYAN
By Rado Gatchalian
WALANG MONOPOLYO ANG PAGKAMAKABAYAN
ni Rado Gatchalian
(FREE TO SHARE)
Nahahati ang mundo hindi lang sa dalawa
May taas, baba, gitna, at kung saan pa
Kung nasaan ka man iyon ang tanging makikita
Walang monopolyo ang pagkamakabayan
Walang nag-iisang may-ari ang pagkabayani
Walang makapagsasabi na ang Pilipino ay ako at ikaw lang
Nakakapagod na rin ang buong buhay na pagtatanggol
Sa isang panata at pananampalatayang hindi kayang tanggapin ng iba
At kung susuko man ako siguro ay upang ang kapayapaa’y sumainyo
Napaos na ang aking boses sa maghapong pakikibaka
Babalikan ko ang mga nakaraan at tatanungin ang sarili:
Ano ba naiambag ko sa bayan at naitulong sa mga Pilipinong dukha at api?
Titimbangin ko ang pinagkaloob sa bayang nagmamakaawa
Lahat ba ng pinagkaloob ay pawang salita
Puro sigaw at galit, subalit salat sa gawa
At kung tayo’y mananalangin sa bayan
Pakiusap sikapin din nating yakapin ang kapwa
Handang hawakan ang mga dumi’t alikabok sa kanilang tagpi-tagping tahanan
Dahil kung hindi natin kaya —
At tayo ay mahimbing na natutulog sa ating magarang buhay
Marahil pag-isipan nating mabuti kung tapat tayo sa ating pinaglalaban
Sawa na ako sa maghapong pakikipag-away
Tapos wala naman palang tulong na inalay
Sawa na ako sa mga nagkukunwaring makabayan
Hindi lahat ng sinisigaw ay naririnig ng lupa
Maging ang katahimikan ay umaalingawngaw sa kaluluwa
Maging ang bulong ay sapat na upang marinig ang maluwalhating kundiman
Pagod na maging ang mga bundok na hinahanap ang langit
Pagod na maging ang mga supling na umiiyak sa ilalim ng puno
Pagod na maging ang mga kabataang ang tanging pangarap ay pagmamahalan ng bawat isa
Sapagkat walang nagmamay-ari ng dambanang magsasabing sila lang ang tama —
Maging ang sikat ng araw at lambing ng buwan ay para sa lahat
Ikaw man ay makasalanan, mangmang, mayaman, o mahirap
At kung sa pagbuhos ng ulan ay maaalala mo ang isang panaginip
Huwag mong kalimutan na ang sinumpaang panata
Ay hindi para sa sarili kundi para sa bayang sinisinta
Humayo at magpakarami!
Subalit ipagbunyi ang pag-ibig
Upang kahit marami ay kaya pa ring maging isa
Tatlo man ang bituin, at may pula, dilaw, puti, at bughaw
Nasaan ka man, Luzon, Visayas, at Mindanao,
Nilalagay natin ang ating kanang kamay sa ating dibdib upang bigyang pugay…
Ang iisang bandilang naghihintay sa ating pagbabalik.
#Pilipino
#Pilipinas
#Makabayan