Ang Pagmamalabis
Tula ni Lynn Garcia
Bato-bato sa langit tamaa'y 'wag magalit
Kasi may mga taong puso'y puno ng ngingit
Paalala lang para sa inyong kapakanan
At nang lumiwanag madilim na kaisipan.
Pagmamalabis ay ugaling 'di kanais-nais
Mabagsik na leon ang siyang kawangis
Dila ay naging mataray at matalim
Nararapat lang na ito ay sugpuin.
Ako'y nagtataka ba't may mga taong ganito
Dahil ba sa yaman at katanyagang natamo?
Puso'y sakmal ng poot at pagkagahaman
Panahon na upang ito'y matuldukan.
Aanhin ang yaman kung isip ay 'di
tiwasay
Nag-aalala baka ito'y mitsa ng buhay
Ginto't pilak walang saysay, 'di madadala sa hukay
Kapag binawi na hiram mong buhay.
Sana'y matuto ka nang makisama sa kapwa
Dahil mga taong nakasalubong mo pag-akyat pataas
Sila rin ang makakasalubong mo sa iyong pagbaba
At mas malakas ang tunog ng iyong bagsak
Kaysa kanila noong mga palakpak.
Bagkus ipunin sa puso pag-ibig sa kapwa
At kababaang loob na marunong umunawa
Sa mata ng Diyos ikaw ay dakila
Buhay na mapayapa ang gantimpala.
Reserbado Lahat ng Karapatan
@Lynn Valaquio-Garcia
Iloilo City
Aug. 6, 2021