BAGONG KABANATA: PAG-AHON SA KUMUNOY NG DALITA
By Francis Irean
November 21, 2021
BAGONG KABANATA: PAG-AHON SA KUMUNOY NG DALITA
Taglay na ang ngiti nang nilingon ko ang kahapon,
Banaag—bakas ng hagupit ng pagsubok na sinuong,
Ang muntikan nang pagkagupo sa bawat datal ng hamon,
Ngunit naging sandata't lakas sa paglalakbay ay baon.
Inangkin ko ang tatag sa bawat pagkakadapa,
Sa pagbulusok kumapit sa pananampalataya,
Landas na tinatahak dumulas man sa luha,
Patuloy lang sa paghakbang lingkis man ng dalita.
Tiniis lahat ng hirap dugo at luha man ang nanagana,
Umasang sa madilim na daan liwanag ay akin ding makikita,
Panalangin kong anting taglay ko't hindi nawawala,
Lupaypay man at durog may lakas pa ring sumagupa.
Larawan ng aking kahapo'y lunod man ng pighati,
Pusong naparam balot man sa antak at hapdi,
Ang mahalaga hindi sumuko nagsikap nagpunyagi,
Makaalpas lang sa bilangguang walang rehas at maabot ang minimithi.
At ngayo'y nagsisimula na ang bago kong kabanata,
Kung saan ang pagdurusa'y tiklop na ang pahina,
Sa kumunoy ng dalita'y ganap na ngang nakalaya,
Natawid ko na ang daang matinik—ligaya na ang tinatamasa.
November 20, 2021
Video
Tula Bio ni Erica
Bumaha man ng luha sa tag-init,
Matigang man ang lupa sa tag-ulan,
Manigas man ang tinta ng pluma kong tangan,
Maubos man ang papel na susulatan,
Sa puso ko'y mananatiling IKAW lamang.
Ituring mo sana akong ulan sa disyerto,
Na sa buhay mo ay minsan lang papatak,
Kaya pahalagahan mo sana ako,
Tulad ng pagpapahalaga mo sa nakamit mo ng pangarap,
Ingatan mo sana ang puso ko,
Kapara ng kristal na 'di na muling mabubuo kapag nalagyan mo na ng lamat💙