Sa Lupa Man May Langit Din
Sa Lupa Man May Langit Din
Ni: Jhake Morales
kailan pa naabot ng aking kamay ang alapaap?
noong simulan bang hawiin ang itim na mga ulap?
noong kaginhawaan ba ay nalasap
at marinig ng itaas ang iyak at pakiusap?
sa panahong pinagsakluban na ako ng langit at lupa
tila na namalagi pa ang anghel sa ibaba
sinugong kumalinga sa akin ni bathala
kanyang malabay na pakpak ay pamunas ng aking luha.
sa panahong hindi ko inaasahan
doon ko rin siya higit na natagpuan
at kahit pa kanyang paraa'y di ko mawari't maunawaan
kayliwanag ng pagkilos n'ya sa aking buhay.
hindi naglaho ang pagkapagal
ngunit ang pighati'y di na magtatagal
hindi bingi ang itaas sa bawat kong dasal
sugo n'yang anghel sa lupa'y biyaya ang kambal.
kapag ka ang buntong hinga ko'y kawalan ng pag-asa
ang pisi ng pagtulong mula sa langit ay inihuhulog sa lupa
tulad ng ulan ang pagpatak ng pag-ibig at biyaya
lupa'y nagmimistulang langit sa grasya at pagpapala.
Comment
Jhake Morales
Sadyang mahiwaga talaga sa lupa ang buhay
Akapin mo lang pag-asa at huwag malumbay
Dinig ang mga impis mong panaghoy
Awa mula sa Diyos patuloy na dadaloy
Sa pagkapit mga kamay mo'y huwag bibitaw
Kaluwalhatian sasaiyo rin sa mundong ibabaw
Isipin mo na lahat ng iyong mga pagpapagal
Na may kabutihan na dulot at kalinisan sa kalooban ay bukal
Hiwaga na nagmumula sa Diyos sa iyo'y aapaw
Diyos akaping lubos at tiwala sa kanya ipataw
~Teresita Mariano Barrera