TUBIG at LANGIS
Entry #6 Co-love-Boration
TUBIG AT LANGIS
I-niibig kita kapantay ay langit—sa kabila ng sakit,
B-akit ang tanong sa isip ko na nagsusumiksik,
U-maayaw ang tadhana kahit na ipilit,
B-ilanggo ang puso ng pag-ibig na malabong masungkit,
U-miibig sa'yo gayong walang sukli at kapalit,
L-arawan mo ang pangarap na hindi ko makakamit,
O-o baliw ako sa'yo kasawian man ang iukit,
N-anamnamin ko ang ligayang magkahalo ang tamis at pait,
G-umuhit man ang hapdi'y matitiis 'pagkat puso mo'y iba ang ipinipitik,
K-umapit man sa panalangin ay batid kong walang tugon,
O-yayi ng kabiguan talos kong sakdal ng panahon.
S-aliw ng pighati'y nakadudurog ang bulong,
A-ntak ng kabiguan sa puso ko'y lumalamon,
H-ilahil ang tinamo ng pusong nagmahal ng lubos,
A-anhin ko ang bukas kung karimlan ang kayapos?
N-asiphayo—sa pag-ibig tila namamalimos,
G-amunggong pag-asa sa palad ko'y dumaus-dos,
I-sisigaw na lang sa hangin sa tinig na paos,
N-a iniibig kita pagtingin mo man sa akin ay kapos.
-Erica Francis
--------------------------------------
--------------------------------------
May mga letrang nais isulat ang damdamin,
Mga katagang umusbong noong tayo'y pagtagpuin;
Ngunit, bawat pangungusap ay ibinubulong na lang sa hangin,
Katotohanang ika'y 'di na dapat angkinin.
Tayo ay tugmaang nasa magkaibang saknong;
Ikaw yaong sagot at sa iyo rin mula ang mga tanong.
Bakit ba umibig ang pusong nakakulong,
Sa tulad mong malayang umusad nang pasulong?
Kung ako ang iyong tálang nasá malayong galaksiya,
Ikaw ang sesura ko sa kapós na paghinga.
Ang nadarama ko'y tila tulang may monorima;
Para sa iyo na nakakubli sa mga talinghaga.
Tubig man at langis ay malabong magsanib,
Makakáya ko kayáng limutin ang iyong pag-ibig?
Hindi man itulot na iisa ang ating himig,
Hihintayin na lang kita sa kabilang dakò ng daigdig!
-Leoj Muncada Estrera