AKO ANG MAKATA, AKO ANG TULA

Tula ni Frandres Irean

AKO ANG MAKATA, AKO ANG TULA

Ako ang tulang—hinabi sa tinigis na luha,
Ang talinghagang—hindi matalos ang hiwaga,
Ang kumpiyansang naglalaho—tayutay sa talata,
Ang nagkukubling bituin—sa ulap ng haraya,

Hayaang bitawan ko ang pluma kong hawak,
Mga obra'y hayaang maging alikabok sa alapaap,
Sa tinahak na landas sa larangan ng pagsulat,
Marahil nga'y ang kakayahan ko ay hindi sapat,

At sa bawat paglagas ng talutot ng rosas,
Ay ang pag-agnas ng mga titik ang s'yang katumbas,
At sa bawat mga pahinang mapipilas,
Ay paglaya sa kulungang walang rehas,

At sa bawat pagsibol ng bagong bulaklak,
Ay bagong pahina ang s'yang mabubuklat,
Kung saan bagong kabanata ang nakasulat,
Ang kwentong pag-usad ang isinisiwalat,

Bumaha man ng luha sa tag-init at lunurin ng kalungkutan,
Ang tinubuang lupa sa tag-ulan man ay matigang,
Maubos man ang tinta at papel na susulatan,
Patuloy lang sa pagbungkal hahasain talento kong tangan,

Sapagkat ang talentong ipinagkaloob ng langit,
Ay tataglayin ko hanggang ang mga mata ay pumikit,
Hindi hahayaang mawalay sa duyan ng mga titik,
Ako ang makata, ako ang tula kaluluwa ko ang mga obrang iginuhit.

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH