ANG KASAYSAYAN NG PAGIGING MAYABANG NG PILIPINO
ANG KASAYSAYAN NG PAGIGING MAYABANG NG PILIPINO
(Isang Malikhain at Malalim na Pagsusuri)
ni Rado Gatchalian
(FREE TO SHARE)
1.
Sa katunayan ay nakalilito. Ang karaniwang haka-haka ay napakabait at napakamapagkumbaba ng Pilipino. Sa totoo lang, totoo naman. Kitang-kita naman di ba? Pero kung gaano katotoo ito ay ganoon din katotoo ang pagkamayabang nating mga Pilipino. Di ba? Itanggi mo man o hindi, sigurado naging biktima ka ng pagkahambog ng kapwa mo Pilipino. Malamang, halos nilait-lait ka pa. Malamang, tinapakan ang pagkatao mo. May kababayan tayong tititigan at susuriin ka mula sa iyong talampakan hanggang sa ulo. Kumbaga, hinusgahan ka na agad-agad base sa itsura mo. Talagang may mga taong ang yayabang! Malay mo isa ka rin doon.
2.
Ating pagnilayan nang mataimtim. Suriin natin nang mabuti. At maging tapat tayo sa ating sarili. Tumingin tayo sa salamin — at kilalanin natin nang maluwalhati at bukal sa loob kung sino ba talaga tayo. Kung paano tayo naging ganito?
Marahil ang ating pagkamayabang ay dahil sa ating insecurities bilang isang tao at bilang isang lahi. Naging mayabang tayo, hindi dahil kasalanan natin na naging ganito tayo, kundi dahil sa hanggang ngayon ay punong-puno tayo ng inferiority complex.
Parang ironic di ba?
Pero dahil sa pagiging insecured at inferior natin, mula sa mapapait na karanasan natin noong bata pa tayo hanggang sa pagtanda natin, pinagsisikapan nating PAGTAKPAN ito sa pamamaraang IPAKITA NA MAGALING AT MAHUSAY tayo.
WALA NAMANG MASAMA RITO.
Subalit dahil sa daan-daang taong pagiging alipin natin — naging bahagi na ng SUBCONSCIOUS natin na dahil tayo ay inaapi kailangan nating patunayan na meron tayong ibubuga — para makalaya tayo sa damdaming ito na tayo ay “aping-api.”
Hanggang sa di natin namamalayan — sa pagpupumilit nating maging matagumpay at magkaroon ng damdaming “satisfied” ay naaapakan na pala natin ang ating kapwa.
Hanggang sa di lumaon — naging likas tayong hambog, mayabang, mapagmataas, mapang-api, mapanglait…
Huwag na tayong lumayo: tignan na lang natin kung paanong i-bully ng ating kapwa Pilipino ang candidate sa nakaraang Ms Universe pageant na si Ms Canada Nova Stevens dahil lamang sa kanyang itsura at itim na balat. Pagminsan nakakahiya ang ating pag-uugali bilang Pilipino. Mahilig tayong mag-play-victim pero tayo rin mismo ang numero uno sa panlalait ng kapwa.
3.
Mahigit tatlong daang taon tayo nasakop ng Kastila. Agad-agad ay sumunod ang Amerika. Pagkatapos nito ay ang Hapon.
Walang katapusang kapaguran na tayo ay minaliit bilang isang lahi. Daan-daang taon na nagsumikap tayo na kilalanin bilang isang tao na may dignidad at galing.
Dahil sa kalakaran na ito — tumanim sa subconsious natin na mababang-uri tayo. Lalo na noong panahon ng pananakop ng Kastila: tayo ay Indio. Ang turing sa atin ay mga alipin, parang hayop. Wala tayong karapatan.
At upang umangat tayo, pinilit natin na maging katanggap-tanggap tayo sa paningin ng mga “nakatataas, nakahihigit.” Wala namang masama rito. Subalit dahil sa sobrang hirap ng pag-angat kapantay ng mga Kastila — ginawa natin ang lahat, kahit sa ikasasama ng ating sariling kapwa, para lamang “tumaas” ang estado natin sa buhay. Pero kahit anong gawin natin: kulay kayumanggi pa rin, at dahil sa ating balat, hirap tayong pumantay sa mga puting Kastila. Kung kaya’t karamihan, hanggang sa ngayon, pinipilit nating maging “puti” para lang masabing tayo’y nasa mataas na angkan ng lipunan. Kung kaya’t karamihan sa atin halos pandirian ang maiitim na balat.
4.
At upang masabi na “mahusay” na tayo — naging bahagi ng kultura at subconsious natin na iparada sa harap ng bahay natin kung ano ang natapos ng mga anak natin: doktor, inhenyero, accountant, abogado, nars. Karaniwang makikita sa bahay ng Pilipino ang naglalakihang certificates at diploma kung ano ang ating natapos na edukasyon.
Wala namang masama rito. At wala ring masama na maging “proud” sa natamasa nating tagumpay. Pinaghirapan at pinagpaguran natin ito.
Subalit: puso sa puso — naitatanong ba natin bakit naging ganito ang kalakaran natin bilang isang Pilipino? Kailangan ba talagang i-display ang ating mga diploma?
Pinapaskil natin ang mga ito hindi dahil para sa sarili nating satisfaction pero upang malaman o “ipaalam” natin sa ibang tao na may nakamit tayo. “Hindi na tayo alipin.” “Nakaangat na tayo.”
Para kung bibisita sa ating tahanan ang mga kaibigan natin o kung sino man, lalo na iyong mga mayayaman, ay para bang binubulong natin, o sinisigaw sa kanila na “Hoy, tigil. Pagmasdan niyo. May nakamit din kami. Equal na kami sa inyo. Di na kami alipin. Ito ang aking mga achievements. Pansinin niyo naman.”
5.
Wala namang masama talaga sa kaugaliang ito.
Subalit dahil naging part na ng ating pagkatao at tumanim sa ating kaluluwa at subconscious — naging natural o normal na lang ito.
At dahil naging kalabisan ang ating “pagkasabik sa tagumpay” — may iba o karamihan: dahil may nakamit sila sa buhay ay para bang ito ang nagbigay sa kanila ng kapangyarihan na maliitin ang kapwa. ANG DATING INAAPI AY SIYA NGAYONG NANG-AAPI!
Kung kaya’t mapapansin may iba o karamihan na nagtapos ng edukasyon at yumaman — ang turing sa iba ay “maliit, walang pinag-aralan, walang ibubuga.” Ito ang nagbigay ng kapangyarihan sa kanila na ituring ang sarili nila na “napakagaling, napakahusay” kumpara sa iba.
Sila lang ang magaling. Ikaw lang ang magaling. Kung kaya’t lahat ay magaling!
Mapapansin na ang ibang may Ph.D. o dahil nagtapos sa prestihiyosong pamantasan — ang mas nakabababa sa kanila ay hindi nila kapantay. Mas mataas sila kesa sa iba.
Hindi rin nakapagtataka na may iba sa atin na napakahusay sa Ingles ang halos laitin ang kapwa Pilipino dahil sa wrong grammar o accent. Ang kapangyarihang nagbigay sa kanila upang itrato ang kapwa nila nang ganito ay sa dahilang “mas nakaaangat at magaling sila.”
6.
Pero kung pag-aaralang mabuti: karamihan sa naging napakayabang at iyong halos mang-apak ng kapwa — sa totoo lang ay mababa ang kanilang self-esteem at deep inside ay insecured sila. PERO HINDI NILA MATANGGAP. Kung kaya’t sa insecurities na ito — pinaniniwala nila sa sarili nila na “matibay at okay sila” sa pamamaraang “itaas nila ang kanilang pagkatao” — kahit na may matapakan pa silang iba.
Dahil ang mayabang ay narcissist. Sobrang taas ang tingin sa sarili. Nagiging makasarili. Ang sentro ng mundo ay umiinog lamang sa kanila. Dahil sila lang ang magaling at tama.
7.
At kung susuriin lang natin ang ating kaluluwa bilang isang tao at Pilipino — makikita natin ang ating kahinaan at pagkakamali. Ang tanging magbibigay hilom lang sa mapait na pangyayari sa atin bilang isang indibidwal at lahi — ay tanggapin nang buong puso kung ano ang ating pagkakamali.
At sa pagtanggap natin ng ating kahinaan at pagkakamali — matututo tayong MAGPAKUMBABA. Matututo tayong i-respeto ang ating kapwa. Matututo tayong maging masaya sa tagumpay ng iba. Matututo tayong huwag manlait ng kapwa.
Dahil alam natin sa puso natin na tayo ay may kahinaan din. Ito ang simula upang masupil natin ang ating pagkahambog, pagkamayabang, pagiging mapagmataas…
8.
Pagkaminsan sa halip na magalit tayo sa mga mayayabang ay — kaaawaan pa natin sila. Dahil nabubuhay sila sa mundong mapait at kasinungalingan. Wala silang kapayapaan sa puso. Hindi nila matanggap ang kanilang kahinaan. Kung kaya’t idinadaan nila sa “pagmamayabang” dahil akala nila “umaangat” sila doon. Kaawa-awa dahil nabubuhay at mamamatay silang ang tanging iniisip lamang ay ang kanilang sarili.
Hindi tayo ganap na magiging maligaya kung wala tayong pagmamahal sa kapwa.
9.
Ating balikan ang premise na likas tayong mabait at mapagkumbaba. Totoo naman ito. Ito ang kailangan nating linangin. Nang buo.
At tunay lamang tayong maging “mapagkumbaba” kung kilala natin nang lubusan ang ating sarili, pagkatao. Kung mawawala ang ating self-pity, insecurities, at inferiority complex — bilang isang tao at lahi, hindi natin kailangan pang “itaas” ang ating sarili sa paningin ng iba dahil kilala na natin kung sino nga ba talaga tayo.
Hindi natin kailangan ipangalandakan sa iba kung sino at ano tayo dahil kilala na natin ang ating sarili. Mapapansin ang mga mahilig “magyabang at bumida” ay iyong mga taong kailangang ipamukha pa nila sa ibang tao kung sino sila at kung ano ang nakamit nila sa buhay. Dahil hindi sila “confident” kung sino ba talaga sila — kailangan nila ng confirmation ng ibang tao kung sino at ano nga ba sila. Dahil dito nagiging likas sa kanila ang magbuhat ng sariling bangko para makita kung ano ang inuupuan nila.
Ang mga taong “kilala talaga ang sarili” hindi na kailangang ipakita pa kung saan sila nakaupo. Hindi na kailangan pang mag-ingay. Kaya nga ang mapagkumbaba ay tahimik at ang mga mayabang ay ang iingay!
10.
Dahil sa pagiging arogante ng Pilipino: sa tuwing makakakita tayo ng kababayan natin — sinusukat natin, lalo na iyong mga nasa ibang bansa, kung sino tayo versus sa iba sa pagtatanong: “Ilang taon ka na rito? Saan ka nakatira? Anong trabaho mo? Magkano ang sweldo mo? Nag-rerent ka o bahay mo iyan?”
Marahil karamihan ginagawa ito nang wala namang masamang hangarin. Pero dahil sa naging part na ito ng ating subconscious nagmumukhang tama ang isang mali. At kailangang tayo’y magmuni kung ang ating mga ugali ba ay tama o mali.
Ito ang hamon sa ating lahat:
Ang makilala ang ating sarili kung sino at ano ba talaga tayo,
Ang maka-move-on sa damdaming tayo ay api, ang kalimutan ang mapait na nakaraan —magpatawad — at mabuhay nang may panatag,
Pagtanggap na tayo ay may kahinaan din tulad ng iba — at dito matututo tayong huwag mang-api ng iba,
Manatiling nakaapak ang ating mga paa sa lupa, sa putik, kahit ano pa man ang nakamit nating tagumpay sa buhay,
At higit sa lahat, ang mapagtanto na sa buhay natin — ang tunay na tagumpay at iyong “talagang dapat ipagmayabang” ay lilisanin natin ang mundong ito nang may payapa sa ating puso at wala tayong inapi, minaltrato, at minaliit na kapwa.
Ito ang totoong dapat ika-proud natin.
#TheFILOsopher
#FilipinoValues
#FilipinoMentality
#Filipino