Buhay Kong Sawi, Lupang Inapi


Buhay Kong Sawi, Lupang Inapi
(Para kay Gat Andres Bonifacio)
ni Rado Gatchalian, Nov. 30, 2021

Sinubukan kong lakarin ang mahabang paglakbay
Ang ilang kabundukang namamahinga
At ang binubulong ay hikbi ng pangungulila

Ang aking pawis lamang ang aking karamay
Walang sandata kundi ang napapaos na katapangan
Kung ako ma’y sawi, oh ako’y inyong ipagdasal

Kung bakit tuyo ang aking labi
Ang dahila’y sabik sa iyong tapat na pag-ibig
Huwag mong kalimutang pinaglaban ko ang ating lahi

Kung itinakwil man ako ng sarili kong kapatid
Iniiwan ko sa Dakilang Maykapal ang katarungang para sa akin
At maging kapalaran ng aking sawing salinlahi

Oh bayang aking lubos-lubos na minamahal
Sa lupang aking tinubuan ako’y handang mamatay
Yakapin mo ako at sa langit, maging sa ulan ako’y kasama habang buhay

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

VACCINES OF DEATH

Bakit Nakatungó Ang Uhay Ng Palay