KAPITA-PITAGAN


Saludo ang lahat sa iyong kagalingan
Ikaw ang bayani ng ating sawing bayan

Ang tugatog mo’y abot langit
Sa iyo’y wala nang makahihigit

Para kang isang kapuri-puring watawat
Sa itaas ay malayang pumapayagpag

Ang aming kamay ay nasa aming dibdib
Para sa iyo iaalay ang wagas na panalangin

Ikaw ang sikat ng kataas-taasang araw 
Sa aming aninong walang dangal

Ikaw. Ikaw. Ikaw. Ikaw. Ikaw. Ikaw.
Oo, walang kamatayang ikaw

Sa iyo na ang korona at lahat ng parangal
Sino ba kami kundi isang hangal?

Pagpugay sa iyong walang katulad na karangalan
Mabuhay ang iyong natatanging pangalan!

Kagalang-galang na kamahalan
Wagas ang iyong kadakilaan

Ikaw ang apoy na nagbibigay-alab
Kami’y abong walang ganda’t saysay

At sa darating na bukang-liwayway
Ang abang lupa ang sa iyo’y sabik na naghihintay

(Sa panulat ni Rado Gatchalian)

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

VACCINES OF DEATH

Bakit Nakatungó Ang Uhay Ng Palay