Pag-ibig sa Lupang Namunga
Pag-ibig sa Lupang Namunga
(Para kay Gat Andres Bonifacio)
Ni Rado Gatchalian
Hindi lang pawis at luha
ang iniwan sa bantayog
ng pagkilala
Maging ang pagsigaw
laban sa pagtaksil
ay nangibabaw.
Ang huling hininga
na nag-iwan
ng di makalimutang kaba
Sa mga anak ng bayan
na nanatiling tapat
sa sinimulang himagsikan.
Kung ang balakid
ay ang kinilalang
kapatid —
Ang panalangin
ay maging malaya
ang bayang naghihimagsik.
Sa pagsikat ng araw
ay nasisilayan
ang iyong katapangan
At sa dapithapon
naroon ang iyong kaluluwang
may hinagpis ng kahapon.
Subalit ang iyong pangarap
sa bayang sinisinta
ay buo, dalisay, at wagas
Walang hanggang pananampalataya
na wala nang hihigit pa
gaya ng pag-ibig sa Tinubuang Lupa.