PAGPUGAY SA ATING SUPREMO
PAGPUGAY SA ATING SUPREMO
Sa panulat ni Rado Gatchalian
(FREE TO SHARE)
Hanggang ngayon para pa ring bangungot sa akin ang isiping namatay ang ating bayaning si Andres Bonifacio sa kamay ng ating kapwa Pilipino. Karamihan sa atin ay parang nagbubulagan na may kinalaman si Emilio Aguinaldo sa mapait na kasaysayang ito ng Pilipinas.
Kasama ng ating Supremo: napatay din ang kapatid niyang si Ciriaco. Ang kanyang kapatid na si Procopio ay pinahirapan din. May espikulasyon na ang kabiyak ni Andres na si Gregoria ay ginahasa rin.
Isa ngang bangungot na kahit ilang beses tayong magising ay hindi na mababago.
Hindi ko mawari kung paano bigyan ng pugay ang ating Supremo na mas masahol pa sa hayop ang kanyang sinapit sa kamay ng ating kababayan.
At ngayo'y ipinagbubunyi natin siya bilang isang dakilang bayani na kahanay ni Gat Jose Rizal. Subalit kasabay nito — isa pa rin bang malaking katanungan kung nabigyan ba ng hustisya ang ating mahal na Supremo.
Hindi makakailang napakalaki ng paghanga ko kay Rizal. Subalit nagdurugo pa rin ang puso ko sa tuwinang nagtatalo tayong lahat kung si Rizal o Bonifacio ba ang dapat na maging pambansang bayani ng Pilipinas!
Pinaslang na nga ang ating Supremo at hanggang ngayo'y patuloy nating kinikitil ang kanyang kaluluwa.
Hindi dapat pagtalunan kung sino sa kanilang dalawa ang mas nakahihigit. Ang bawat isa'y may katangiang taglay. Si Rizal ay para sa Reporma at edukasyon ng Pilipino. Si Bonifacio ay para sa rebolusyon at laban sa pang-aapi. Binaril si Rizal sa Bagumbayan sa hatol ng mapang-aping España. Namatay si Bonifacio sa kamay ng kapwa natin Pilipino.
Kung sino ang mas bayani sa pamamagitan ng uri ng pagkamatay ay isang tanong gugulo pa rin sa kaibuturan ng ating kaluluwa.
Ang pinakamasakit sa lahat: ang dahilan ng pagkamatay ng ating mahal na Supremo ay dahil sa isang bagay na hanggang ngayo'y anay sa ating lipunan — maruming politika at uhaw sa kapangyarihan.
Siguro kung maaari lang itugma sa patak ng luha ang bawat letra sa panulat na ito: mas maiintindihan niyo nang lubusan ang lalim ng aking hugot.
Dahil dito hanggang ngayon naghihimagsik pa rin ang kaluluwa ni Ka Andres! Hanggang ngayon patuloy ang ating rebolusyon laban sa manunupil! Kung dati'y paghihimagsik laban sa dayuhan ngayon nama'y laban sa ating kapwa Pilipino.
Patuloy ang rebolusyon!
Rebolusyon laban sa mang-aapi. Laban sa mga magnanakaw sa ating bayan. Laban sa kahirapan. Laban sa inhustisya.
Habang nagninilay ako sa panulat na ito tinatanong ko ang aking sarili: "Ito ba ang tamang paraan para bigyan ng pugay ang ating bayaning si Andres Bonifacio?"
Hindi makakaila: ang mga elitista ay hinahanay siya sa grupo ng maralita, hindi nakapagtapos ng pag-aaral, at ordinaryong mamamayan. Hanggang ngayon kitang-kita pa rin sa ating kultura kung paano natin husgahan ang pagkatao ng isang nilalang dahil lang sa uri ng buhay na meron tayo.
Malamang kung ating makatuwang si Ka Andres ngayon: mababa pa rin ang pagtingin natin sa kanya! Dahil siya ay mahirap at walang pinag-aralan!
Ito marahil ang hindi matanggap ng ilan: ang isang dukha at walang pinag-aralan ay maging isang dakilang bayani ng bayan! Marahil hindi rin matanggap na ang isang hindi nagtapos ng edukasyon ay may kakayahang isalin ang Mi Ultimo Adios at mabasa ang nobela ni Rizal. Samantalang si Aguinaldo ay hindi man lang nabasa ang Noli Me o ng El Fili.
Siguro nga ito ang pinakamalaking pagpupugay na maaari kong ibigay sa ating Supremo: ang ipaalala sa lahat na maging ang isang dukha ay may kakayahang magmahal sa bayan. Na ang isang hindi nagtapos ng pag-aaral ay may kakayahang makibaka at ialay ang buhay para sa ating lupang sinilangan.
Marahil ito ang dahilan kung bakit naging sawi ang kanyang buhay. Hindi matanggap ng mayaman at edukado na nahigitan sila ng isang taong tulad ni Andres Bonifacio.
Para sa ating Supremo: tanggapin niyo ang patawad mula sa amin na sa iyo'y nagpahirap. Mula sa sarili niyong kadugo na lumapastangan sa inyong buhay. Dalangin namin na kung nasaan man kayo ngayon ay dumating nawa na maging payapa ang inyong kaluluwa.
Para sa inyo ito mahal naming Supremo!
Hindi man maitugma ng kahit anong pagpupugay: hindi namin makakalimutan ang sakripisyo na pinagkaloob niyo sa ating pinakamamahal na bayang Pilipinas.