TSINELAS

Tula ni Frandres Irean


TSINELAS

Piping saksi ang pares ng tsinelas kong spartan,
Sa malubak na daang aking nilalakaran,
Ang butas na sapin at pananggalang,
Sa bawat tinik na sa paglalakbay ay hahadlang,

Sa bawat hakbang bitbit ko ang pangarap,
Malugmok man sa dusa at kumunoy ng hirap,
Taglay ko ang pag-asang akin ding malalasap,
Ang tagumpay na katas ng aking mga pagsisikap,

Saksi ang tsinelas kong butas sa bawat pagkakadapa,
Naging sandata ko ang bawat pag-agas ng luha,
Hindi nagpatinag sa humihilang pangungutya,
Sa tsinelas kong butas kahulugan ng buhay ay aking nakita,

Sa bawat pagsugal at pakikibaka,
Huwag kang susuko kumapit sa pananampalataya,
At sa bawat balasa may aral kang makukuha,
Sa hamon ng buhay kailangang maging matatag ka,

Kung ang suot mo ngayon ay tsinelas na butas,
O kahit sabihing suot mo pa rin pagdating ng bukas,
Darating ang araw na ito'y alaala na lang ng pahinang napilas,
Na iginuhit ng kabanatang nagwakas.

December 18, 2021

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH