Tula ni Jhake
Dahan-dahan ay tinatapos ko ang libro na pangarap ko na mailimbag at maibahagi sa iba. Narito ang pasilip sa kung anong mga klase ng tula ang aking ipapakita sa aklat na ito.
Ang tulang ito ay patungkol sa aking inang pumanaw matapos ang kanyang pakikipaglaban sa sakit na breast cancer ilang taon narin ang lumipas.
Maraming salamat FPB!
"Ang huling oyayi sa tagsibol"
Ni Jhake Morales
©Dec 06 2021
caloocan Metro Manila
May taglagas sa kanyang ulohan
Tagtuyot ang pag-asang namamaalam
Sa sintido, sa puso'y nakatarak na'ng karit ni kamatayan
Tag-ulan ng sakit sa matang Malamlam.
Tagtuyot ang balat niyang latang-lata
Taglagas ang mga bulsang walang-wala
Tag-init sa dasalang laksa-laksa
Taglamig ang palad na sa kaba'y pigang-piga.
Apat na taon ang pakikipaglaban
Mga panaho'y rumagasa't dumaan
walang katapusan ang gamutan
Walang humpay ang katatagan
At sumapit na ang tagsibol
Umusbong na'ng takot , sa isipay sumisipol
At huling oyayi ni ina'y tahimik na hagulgol
Paghele sa anak na takot tulad ng sanggol.
Kanyang hihigaa'y malambot na ataul
Mga alala nami'y isisilid sa baul
Langit ang nagpasya't s'yang humatol
Bumaha ng luha sa tagsibol mula sa ulap na asul.