Espasyo sa Pagitan ng Langit at Lupa
Espasyo sa Pagitan ng Langit at Lupa
ni Rado Gatchalian
May palamuting kumukurap at tumatawag ng pansin, nakakasilaw kung titigan,
kaya lang, kaya lang,
parang may kulang…
Parang isang haraya na takang-taka
bakit kailangan pang pagmunihan
ang isang salawikain na salat
sa pananagutan; nagtatanong
bakit nga ba.
Tatanaw-tanaw ang isang paslit,
walang takot na sabihin
kung ano ang totoo, kung ano ang mali;
subalit ang bata’y inalipin din
ng isang patriarkang nagsisinungaling.
Ano ang pagkukulang ng kabigatang ito?
hinahanap ang kasagutan
subalit hindi handang tanggapin
kung ano ang totoo.
Nagbabalat-kayo ang pakikibakang
sila lang ang nagmamahal sa bayan,
at ang daigdig ay umiinog
lamang sa kanilang indayog.
Ngayong susukatin kung gaano kabuo
ang eksistensyang lumulutang
sa pagitan ng kababaang-loob
at kahibangan —
subukan mong pumagitna
sa isang espasyong ang tanging batid
ay walang hanggang paghahanap.
Kung ano man ang kulang —
buuin mo sa isang pagmumuning
ang tanging gantimpala
ay makikila mo kung sino ka
at saang lupa nagmula.