HARINAWA
HARINAWA
Tula ni Rado Gatchalian
(Handog para kay F Sionil Jose, National Artist for Literature)
Pumanaw nitong 06 Jan 2022
Sabi nila ang paglubog ng araw
ay hudyat ng pagsikat muli
ng bagong umagang sumisigaw ng paglaya.
Bagama’t nagdurugo ang langit
at maging lupa’y sumisigaw
ng galit, pagkaminsa’y sawing pag-ibig,
Hindi maaaring makalimot ang bantayog
ng maghapong pakikiramay,
dahil maging ang pagtiklop ng dahon
Ay nagsilbing lilim ng pangungulila’t
kalungkutan; maging ang alapaap
ay kusang inalay ang lahat ng pag-aari,
Maging ang kahuli-hulihang patak
ng pagdadalamhati, kung gaano man ito kasakit,
naghihintay ang lupa sa iyong pagbabalik.
Kung ang batis sa Silangan ay nananabik
at kung anumang pagkukulang sa Bayan:
patawad ang hikbi at panalangin.
Kung saglit lamang ang pamamaalam,
kung ang ngayon ay kahapon lamang,
di na muling maibabalik ang abang buhay
Subalit sa iyong iniwang kayamanan:
ang panalangin ay hindi malimot ng kabataan,
at kung ang lahat-lahat ng iyong agimat
Ay tanging alaala sa isang nagmamahal
sa bayang iyong hinandog ang buhay —
ang kamatayan ay paglubog at pagsikat ng araw,
Sumisigaw ng kalayaan, gaano man kahirap,
naghihintay sa isang kasaganaan at kapayapaan
sa bayang ang tanging pakiusap ay “Harinawa.”