Sa Aking Mga Kababata
Sa Aking Mga Kababata
ni Rado Gatchalian
(Ang larawan ay kuha noong Agost 1, 2017 sa loob ng Malacanang Palace)
Makinig aking mga kabataan
Narito ang isang hamon sa inyong lahat:
Hanapin mo ang turo ng nakaraan,
Sikapin mong yakapin ang katotohanan.
Subalit kung ano man ang totoo
Matutong makinig sa lahat ng kwento,
Kung ano man ang ipinaglalaban mo
Maging bukas sa pananaw ng ibang tao.
Mahal kong mga kapatid,
Batid kong ang katotohanan ay may balakid:
Ang ating limitado at marupok na pag-iisip
At maging ang ating mapusok na damdamin.
Maging mahinahon at matiisin,
Kung isang araw ay makamit mo ang karunungan
Huwag mong hayaang maging alipin
Sa inaakala mong ikaw at ikaw ang tama lamang.
Bagama’t tungkulin mo ang alamin ang tama,
Isa ring banal ang matuto sa iyong pagkakamali;
Huwag kang matakot na yumapak sa lupa
Dahil maging ang langit ay may luha at hikbi.
Kung ang iyong katapangan ang iyong lakas
Huwag mong kalimutan ang pag-ibig ay banal;
Ang katotohanan ay kailangang ipaglaban
Subalit mabuhay pa rin nang mapayapa’t payak.
Aking minamahal na kababayan,
Marahil hindi magtatagpo ang ating landas
Subalit huwag mong kalimutan
Na iisang lupa ang ating pinagmulan.
Kung bukas ay malimot tayo ng ating mga anak,
Maging matatag at patuloy na mabuhay;
Ang ating iiwang alaala ang yaman ng hinaharap,
Ang ating kamatayan ang naghihintay na alamat.