SIGE, ITULAK MO AKO SA ISANG PAG-IBIG


SIGE, ITULAK MO AKO SA ISANG PAG-IBIG
ni Rado Gatchalian

Kaunting tulak lang ng isang mangingibig
At marahil nahulog na rin ako sa isang bangin
Na hindi alam kung gaano kalalim,
O kung ipagtulakan man sa isang kawalan,
At halos guni-guni na lang ang aking pinanghahawakan,
Marahil kahit ano pang sabihin ng ilan —
Iisa lang ang aking ikabubuhay, ikamamatay:
Ang umibig nang buo at tapat.
Kung ipagkait man ito sa akin,
Wala nang sapat pang dahilan
Upang ako’y huminga at mabuhay —
Subalit kung bibigyan muli ng pagkakataon
Hayaan mong itulak ko ang aking sarili
Sa isang akala mong kahibangan,
Kung ako man ay baliw, at walang kapangyarihan,
Sige, itulak mo lang ako sa pinakadulo,
At kung ano man ang hangganan nito —
Marahil maging ako at ikaw ay walang lakas
Upang alamin ang pangalang
Ang tanging iiwan ay kahabag-habag na paalam.
Sige, itulak mo ako sa isang pag-ibig,
At kung mahulog man ako sa isang bilanggo,
Ako’y hindi mapapagod na hanapin ang laman ng puso.
Kung magwakas man ito sa isang alamat
Hayaan mong mahalin kita nang higit pa sa lahat.
Nahulog ako sa isang sulok ng mundo,
At ang tanging paglaya ay pagsuko.

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH