Buwan ng Pag-ibig Ni Jeffrey Cejero

By permission
Ni Ginoong Jeffrey D Cejero



Lahat ay pawang imahinasyon! Entry ko for Valentine's Day 😅🤣
#ProsePoetry

Mahal kong Buwan,
        Sa buwan ng aking buhay, binabati kita ng ngiti ng araw- maliwanag at mainit!
         Ang gabi ko dati'y nababalutan ng dilim, pait at lamig. Ang halimuyak ng dama de noche sa gabi ay mga kadamuhang natuyo sa tigang na lupa sa kahihintay sa pangako ng ulan. Ako'y isang "yang" na hinihintay ang kukumpleto sa akin. Ako'y bola ng apoy sa kalangitan ngunit ramdam ko ang aking kakulangan. Kailan mabubuo ang buhay ko? Kailan darating ang panahon na tayo'y magsasama?
         Ang ating pagmamahalan ay mga kulog at kidlat na nagbabadya ng kadiliman kung ito'y matutuloy. Ngunit, tutol man ang langit, ramdam ko pa rin ang bawat haplos mo sa aking puso na nagbibigay ng katatagan para ako'y patuloy na maniwala sa ating pagmamahalan. 
         Paliguan mo ako ng iyong malagintong liwanag na tanging kasagutan para ang bulkan sa aking sarili ay manatiling payapa. Hindi lingid sa aking kaalaman na ang iyong liwanag ay nagmumula sa akin at ito'y nagpapatunay na kahit anong mangyari, kailanman hinding-hindi mo ako bibitawan sa karimlan. Aaminin ko sa 'yo, ang apoy sa puso ko ay para lang sa 'yo. Ngunit naiukit na sa ating kapalaran ang masaklap nating pag-iibigan. Ganunpaman, pareho tayong naghihintay sa panandaliang panahon na tayo'y makalalaya. Dumilim man ang mundo dahil sa ating pagsasama, kahit sa konting panahon lamang. Kailanman, hinding-hindi ko ito pagsisisihan. Tadhanang malupit pero nasa iyo ang nawawala kong kabuoan- sapagpat ikaw ang aking buwan, ang "yin" sa buhay ko at ako naman ang araw, ang "yang' sa 'yong buhay.
           Sana darating na ang eklipse ng buhay natin para tayo'y magkasama- pagsasamang kahit sandali lang, ang hatid naman ay kalayaan. Sadyang napakasarap magmahal kung ang puso ay malaya!
                                Ang iyong Araw,
                                Jeffrey Cejero

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

UNSWERVING SERVICE TO HUMANITY

VACCINES OF DEATH