ANAK NG MAGSASAKA
Tula Ni Duoi Ampilan
Anak ng Magsasaka
Nagtapos ng isang kurso sa isang unibersidad sa Davao City. Hinanap ang kapalaran sa Manila. Nahalina sa kariktan ng buhay sa lungsod.
Dumating ang pandemya. Bagaman nakahanap ng trabaho sa Manila, pinili niyang umuwi ng Maguindanao upang balikan ang Tinubuang Lupa.
Sa lahat ng pagsubok sa buhay at pamilya, hindi siya nagpatinag. Hindi nawalan ng pag-asa. Hindi yumuko sa hamon ng buhay.
Niyakap muli ang buhay sa bukid. Isang payak na pamumuhay. Malayo sa karangyaan ng buhay sa Davao at Manila.
Sa pagsibol ng araw hanggang sa paglubog nito sa kanluran, buong sipag niyang kapiling ang sakahan.
Simpleng buhay. Malayo sa modernong kabihasnan. Tahimik. May laya. Bagaman mabagal at simple, hindi salat sa ligaya.
Namumuhunan siya sa lupa gamit ang tiyaga, sipag at sampung kabutihan.
Maliban sa mais at palay, nagsimula na rin siyang matanim ng mga punong namumunga tulad ng durian, marang, rambutan, mangosteen at mangga.
Siya si Adan. Anak ng Magsasaka. Namumuhay sa South Upi. Nakikita ang magandang buhay sa Biyaya ng Lupa.
Ang buhay niya ay larawan ng pagpupunyagi sa gitna ng kahirapan at unos. Isa siyang inspirasyon sa marami sa atin.
Maraming paraan para mabuhay nang marangal.
Gamit ang kanyang galing, sa ilalim ng bughaw ng langit, ipipinta niya muli ang kanyang mga pangarap.