NAGISING NA DIWA

Tula Ni Leah C Dancel

NAGISING NA DIWA

Sa duyan ng gabing
may lungkot at lumbay;
Kapiling ko'y sawing
damdaming matamlay.

Hirap walang turing
sa aba kong buhay;
Ni walang katiting 
sa iyong tagumpay.

Pusong nahumaling
sa ganda mong taglay;
Sana'y marapatin
pag-ibig kong tunay.

Ang aking hinaing
ay nakasalalay;
Sa iyong mabuting
pusong mapagbigay.

Siphayong naangkin
aking inihimlay.
Sa altar ng piging
ng irog kong tunay.

Mata'y nakatingin
Sa mundong makulay.
Ako ay ginising
Ng bukang liwayway.

©Leah C. Dancel
Copyright ©March 15, 2022
All rights reserved
#Bukang_Liwayway
#abab

Popular posts from this blog

DALAMPASIGAN SA PANUBIGAN

VACCINES OF DEATH

Bakit Nakatungó Ang Uhay Ng Palay