PAGKAKAISA NG MGA KULAY
Pagkakaisa ng mga Kulay
Dinig mo ba ang pag-iyak ng ating ina?
Ramdam mo ba ang sakit na kanyang nadarama?
Nakita mo na ba ang puso niyang durog?
Lahat ng mga ito’y di mo batid, dahil ika’y tulog
Ikaw apoy, taglay mo ang liwanag at init
Ikaw rosas, ganda mo’y hulog ng langit
Ikaw tubig, biyaya mo’y nag-uumapaw
Ikaw dahon, lagi kang binabati ng araw
Muntik ko pang makalimutan, ikaw na ginto
Hindi lang ikaw ang yaman at paborito
Kung ika’y apoy, rosas, ginto, tubig, dahon
O lupa na tulad ko, tayo’y dapat bumangon
Huwag na nating hintayin ang isang unos
Para tayo’y magkaisa at umayos
Huwag na nating hintayin ang isang ulan
Para ang bahaghari, tayo’y kanyang samahan
Pagkakaisa’t pagmamahal, tanging ngiti ni ina
Kahit walang bagyo, mga kulay dapat nagkakaisa.
Ang bahaghari, lagi lang ito sa ating puso
Dahil iisa ang ating pinagmulan, iisa ang ating dugo.