BAHAGHARI, PLUMA AT TINTA

BAHAGHARI, PLUMA AT TINTA
Ni LEAH DANCEL







Hindi ko matandaan kung paano ako nag-umpisa
Sa Panitikan ng panula kailan ba ako  nagsimula
Gamit pa ay plumang pinaglumaan na ng panahon
May laman pang tinta sa bote ay doon nakabaon.

Suklob ng alaala ang bawat tatak na mga salita
Nakapaloob sa aklat na walang mga pahina.
Dati'y kwaderno ang siya kong kaulayaw 
Sa mahika ng salamin, kaluluwa ko'y nakaugnay gabi't araw .

Mga saknong at taludtod dati'y di ako nagigiliw
Paanong sa kanya ngayon ako'y naaaliw
Ni sa talinghaga kaalaman ko'y walang kamuwang-muwang
Ngayon ang diwa ko'y wala nang kapatlang-patlang.

Sa banda roon ang parang ay may nakatagong hardin
Mga halaman na walang pangalan kahit di na alamin
Pagdating ng kabuwanan ng kanyang pag-alimbukad
Tila bahaghari ang mga bulaklak na namumukadkad.

Ako'y naligaw sa mahalimuyak na hardin na ito.
Paruparong isip ang mundo ko'y naging paraiso
Matalas kong mga mata ay di napakali
Sa kanyang kagandahan puso ko'y nabighani.

Santaong nakaraan hardin ng panulaan ay biglang binagyo
Pagsubok na makamandag hinangad ng iba ngunit sila'y nabigo.
Inaruga ng mga mapagpalang masusugid sa ilalim ng nasugatang pakpak ng Agila
Ang hardin ng FPB ay bumangong muli at di na hahayaang mapariwara.

Sa ganang akin ako man ay umusbong
Sa kaharian ng masisigasig na mga Makata
Ang lahat ay may kaniya-kaniyang kakayahang nagbabadya
Ng kagalingan sa kabila ng mga linggatong di sila uurong.

Manawari ang plumang pinagdamot
Ng tinta ng panahon ay muling masimot
Sa talaan ng magigiting ito'y muling nabuhay
Sa pamumukadkad ng mga kataga ngiti ko sa labi'y masisilay.

©Leah C Dancel
Copyright © April 14, 2022
All rights reserved
SH-AUSTRALIA
#IsangTaonNaPOEMKami
#Alimbukad
#FPBFirstAnniversary

Popular posts from this blog

TIME MAGAZINE: ALEX EALA COVER

COCOY LAUREL'S GIFT TO NORA AUNOR

YOLANDA, ODETTE AND UWAN