MULING PAG-APOY
Tula ni Jeffrey Dacanay Cejero
Muling Pag-apoy
(soneto)
Ningas ng pag-asa, pinatay ang liyab
Halakhak ng dilim, huwad ang pagkintab
Pangarap nabaon, araw walang siklab
Pilit iginapos, pusong nag-aalab
Masamang panahon, naghari sa lupa
Bumagyo't lumindol, pandemya't sakuna
Pagputok ng bulkan, bumulwak ang sala
Kailan titigil, kailan lalaya?
Nagdurugong puso, pilit siniraan
Sa bukang-liwayway, doon sa silangan
Apoy ng pag-ibig, sindi sa karimlan
Mahal nating bayan, dasal niya'y pakinggan
Boses ng marami, umalab ang tinig
Tayo'y magkaisa sa iisang himig