PAGKATAPOS NG MAHABANG PAGHIHINTAY
TULA
September 2, 2022
PAGKATAPOS NG MAHABANG PAGHIHINTAY
Ni Rado Gatchalian
Pagkatapos ng mahabang paghihintay,
wala rin palang bunga
ang pagtitiis; kalahating-araw
na akalang darating,
wala pala, wala na.
At sa pagod, at uhaw,
uuwing salat hindi lang sa pagmamahal;
wala ni kapirasong sulat man lang
ng pamamaalam.
Kung lahat ay nakatakda
sa tamang oras,
maging ang kabiguan ay kaibigan,
itutulak ka sa nag-aalab na apoy
habang ang katapanga’y
kusang nagliliyab sa nakatago mong
kapayapaan.
Huwag mong lasunin ang sarili
mong isip, sa isang kasinungalingan
na ang lahat ng nagwagi
ay nagmamay-ari ng koronang
madadala mo sa langit.
Kung kaya’t sa iyong paghihintay
ngunit wala,
huwag kang mawalan ng pag-asa,
kusang darating ang isang himala
sa isang mandirigmang
ang tanging armas ay pag-ibig na dalisay.
Hayaan mong tanggapin ang lahat
ng pasakit,
hayaan mong kutyain ka ng daigdig,
sa iyong pagtitiis,
hindi mo man makamit ang koronang
kumikinang,
Uuwi ka sa isang tahanang
hindi natutulog hangga’t wala ka.
Hayaan mong salubungin
ka ng isang hapunang lumamig
subalit mainit ang pag-ibig.